Ang Mga Asawa ng Propeta (s)
Pagkaraan ng kamatayan ng kanyang unang asawa, si Khadeejah (kalugdan nawa siya ng Allah), Ang Propeta (s) ay nakapag-asawa na ang bilang ay labing-isa; lahat ay mga diborsiyada o balo maliban kay A'ishah. Ang anim ay nagmula sa tribu ng Quraish, at ang lima ay nagmula sa iba't ibang tribu ng Arabo, at ang isa ay nagmula sa simbahang (Coptic) Kristiyano mula sa Ehipto. Siya ay nagka-anak na pinangalanang Ibraheem. Ang Propeta (s) ay nagsabi: 'Kung ikaw ay may kaugnayan sa isang (Coptic) simbahang Kristiyano, pakitunguhan sila nang may kabaitan sapagka't sa pagitan natin ay isang pangako at ugnayan.' (Abdurrazaaq #19325)
Ang Propeta (s) ay nagpakasal sa mga babaing ito para sa ilang mga dahilan:
-
Layuning Nauukol sa Relihiyon at Pagpapatupad ng Batas:
Ang Propeta (s) ay nagpakasal kay Zainab b. Jahsh (kalugdan nawa siya ng Allah). Noong panahon ng Jahiliyah (kamangmangan) ang mga Arabo ay nagbabawal sa isang lalaki na pakasalan ang asawa ng kanyang ampong anak na lalaki; sila ay naniniwala na ang ampong anak ay katulad ng sariling tunay na anak sa lahat ng aspeto ng ugnayan. Ang Propeta (s) ay nagpakasal sa kanya bagaman ito ay diniborsiyong asawa ng kanyang ampong anak na si Zaid b. Harithah (d). Ito ay ginawa ng Sugo ng Allah hindi dahil sa kanyang sariling kusa bagkus ito ay kautusan sa kanya ng Allah upang alisin ang gayong paniniwala. Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "At (alalahanin) nang sabihin mo sa kanya (kay Zaid bin Harithah), ang pinalayang alipin ng Propeta at ikaw (O Muhammad) na gumawa ng kabutihan sa kanya (sa pagpapalaya sa kanya) ay nagsabing: Panatilihin mo ang iyong asawa sa iyong sarili, at matakot sa Allah." Nguni't, iyong ikinubli sa iyong sarili (kung ano) ang ipinahayag na ng Allah sa iyo na siya (si Zainab) ay Kanyang ipagkakaloob sa iyo (bilang asawa) na ang bagay na ito ay ginagawang malinaw ng Allah sa iyo, nguni't ikaw ay nangamba sa mga tao (sa kanilang mga usap-usapan na pinakasalan ni Muhammad ang diniborsiyong asawa ng kanyang pinalayang alipin) samantalang ang Allah ang higit na dapat katakutan. Kaya, nang magampanan ni Zaid ang kanyang layon mula sa kanya (hiniwalayan niya ang kanyang asawang si Zainab), siya (si Zainab) ay ipinagkaloob Namin sa iyo (O Muhammad) bilang asawa, upang pagdating ng panahon ay walang mararanasang pag-aalinlangan o kahirapan sa mga mananampalataya ukol sa pagpapakasal ng mga asawa ng kanilang mga ampon kung ang huli ay walang layong panatilihin sila (sila ay hiwalayan ng mga ampong anak). At ang Kautusan ng Allah ay nararapat na matupad."(Qur'an 33:37)
-
Layuning Politikal at Para sa Pagpapalaganap ng Da'wah, Anyayahan ang mga tao sa Islam, at Tangkilikin ng Mga Iba't Ibang Tribu ng Arabia
Nag-asawa ang Sugo ng Allah sa mga kababaihan mula sa malalaki at malalakas ng tribu ng Arabo. Ang Propeta (s) ay nag-utos sa kanyang mga kasamahan na mag-asawa rin sa mga gayong tribu. Ang Propeta (s) ay nagsabi kay Abdurrahmaan b. Auf (d): 'Kung sila ay sumunod sa iyo (i.e. tinanggap ang Islam) magkagayon, iyong pakasalan ang anak na babae ng pinuno ng tribu.'
Si Dr. Cahan ay nagsabi: 'Ang ilan sa aspeto ng kanyang buhay ay maaaring magbigay kalituhan sa atin sanhi ng kasalukuyang kaisipan. Ang Sugo ay tinutuligsa nang dahil sa kanyang hangaring makamtan ang pagnanasang makamundo at ang kanyang siyam na asawa, na kanyang pinakasalan pagkaraang mamatay ang kanyang unang asawa na si Khadeejah. Napatunayan na ang karamihan ng kanyang pagpapakasal ay may kaugnayan sa pampolitikal na naglalayong makuha ang ilan sa mga mararangal na tao at tribu.'
-
Panlipunang Dahilan:
Pinakasalan ng Propeta (s) ang ilan sa mga asawa ng kanyang mga kasamahang namatay sa Jihad (pakikipaglaban sa Landas ng Allah) o sa panahon ng Da'wah (paglalaganap ng Islam). Pinakasalan niya ang mga ito bagaman sila ay higit na matanda kaysa sa kanya, at ito ay ginawa niya upang parangalan sila at maging ang kanilang mga asawa.
Si Veccia Vaglieri sa kanyang aklat na may pamagat na 'In Defense of Islam' ay nagsabi: 'Sa mga taon ng kanyang kabataan, si Muhammad (s) ay nag-asawa lamang ng isang babae, bagaman ang sidhi ng kasibulan ng isang lalaki ay nasa gayong gulang. Bagaman siya ay namuhay sa lipunan na kung saan ang maraming pag-aasawahan ay itinuturing bilang pangkalahatang batas, at ang diborsiyo ay napakadali, siya ay nag-asawa lamang ng isang babae bagaman siya (si Khadijah) ay higit na matanda kaysa sa kanya. Siya ay naging tapat sa kanya sa dalawamput limang taon ng kanilang pagsasama, at hindi siya nag-asawa ng iba pang babae maliban pagkaraan ng kamatayan ni Khadijah. Sa panahong iyon, siya ay limampung taon na. Pinakasalan niya ang bawa't asawa niya para sa panlipunan, o pampolitikal na layunin; upang sa gayon ay kanyang parangalan ang mga mabubuting kababaihan at nais niyang maging matapat sa kanya ang mga tribu upang ang Islam ay lumaganap sa kanilang mga tribu. Lahat ng asawa ni Muhammad (s) na kanyang pinakasalan ay hindi mga birhen at hindi rin magaganda; maliban lamang kay A'ishah. Kaya, paano makapagpaparatang ang sinumang tao na si Muhammad (s) ay isang mapagnasa sa tawag ng laman? Siya ay tao at hindi diyos. Maaaring ang kanyang hangarin ay magkaroon ng isang anak na lalaki na siyang dahilan upang mag-asawa; sapagka't ang kanyang mga anak kay Khadeejah ay nangamatay. Karagdagan pa, sino ang nangasiwa sa pananagutang pananalapi na kanyang malaking pamilya na wala namang malaking pinagkukuhanan. Siya ay nakikitungo nang makatarungan at pantay-pantay sa kanilang lahat at hindi nagbigay ng pagtatangi-tangi sa pagitan nila. Sinusunod niya ang dating gawain ng mga naunang Propeta tulad nina Moises, na sa kanya ay walang tumutol o nagbigay ng puna tungkol sa kanyang pagkakaroon ng maraming asawa. Ang dahilan ba kung bakit ang mga tao ay tumututol sa pagkakaroon ng maraming asawa ni Muhammad (s) ay ang katotohanan na ating nalalaman ang kaliit-liitang bagay sa kanyang buhay at kakaunti lamang ang ating nalalaman sa mga buhay ng mga Propetang nauna sa kanya?
Si Thomas Carlyle ay nagsabi:
'Pagkaraang sabihing lahat ang tungkol sa kanya, si Mohamet sa kanyang sarili mismo ay hindi isang taong mapagnasa ng kamunduhan. Tayo ay lubhang magkakamali kapag siya ay pinaratangan natin bilang taong hayok sa tawag ng makamundong pagnanasa na naglalayon lamang ng kaligayahan ng anupamang uri.'
('Heroes, Hero-Worship and the Heroic in History')