Ano Ang Kabuuang Kahulugan ng "Muhammadar Rasulullah": (Si Muhammad ay Sugo ng Allah)
-
Ang maniwala sa Mensahe ng Propeta (s) na siya ay isinugo sa sangkatauhan; kaya, ang mensahe ng Islam ay hindi nakalaan sa isang pangkat ng mamamayan lamang at hindi ito angkop lamang sa isang takdang panahon. Higit sa lahat, ang Islam ay para sa lahat ng tao, sa lahat ng panahon at sa lahat ng kalagayan hanggang sa pagsapit ng Huling Araw. Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "Ang Mapagpala ang Siyang nagbaba ng pamantayan sa Kanyang alipin (si Muhammad) upang siya ay magbigay ng babala sa sangkatauhan."(Qur'an 25:1)
-
Ang maniwala na ang Propeta (s) ay walang pagkakamali sa larangan ng relihiyong Islam (Deen). Ang Dakilang Allah ay nagsabi:"Hindi siya nagsasalita nang ayon sa kanyang pagnanasa. Ito ay isa lamang inspirasyong ipinahayag (sa kanya)."(Qur'an 53:3-4)
Tungkol sa mga gawaing nauukol sa mundong ito, ang Propeta (s) ay tao lamang at maaaring magbigay ng Ijtihaad (i.e. pagbigay ng sariling pasiya) sa gayong bagay o pangyayari. Ang Propeta (s) ay nagsabi: "Inyong isinalaysay ang inyong mga kaso sa akin –ang iba sa inyo ay higit na mahusay na magpaliwanag (o magsalaysay) at kapani-paniwala sa pagsasalaysay ng pangyayari kaysa sa iba. Kaya, kung ako ay nagbigay ng karapatan (nang may kamalian) para sa iba sanhi ng salaysay ng kaso ng nauna; ako ay nagbigay sa kanya ng kapirasong apoy; kaya, ito ay hindi niya dapat kunin."(Pinagtibay at Pinagkasunduan)
-
Ang maniwala na ang Propeta (s) ay isinugo bilang Habag sa Sangkatauhan. Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "At ikaw (O Muhammad) ay Aming isinugo bilang Habag para sa sangkatauhan."(Qur'an 21:107)
Ang Dakilang Allah ay tiyak na nagsabi ng katotohanan. Sinabi Niya; ’At sino ba ang higit na makatotohanan sa pananalita kaysa sa Allah ?’ Ang Propeta (s) ay isang Habag sa Sangkatauhan. Inilayo niya ang tao mula sa pagsamba sa mga bagay na nilikha lamang, at kanyang pinatnubayan sila tungo sa pagsamba sa Tagapalikha ng lahat. Inilayo niya ang tao mula sa kawalang katarungan ng mga huwad na relihiyon tungo sa makatuwiran at makatarungang relihiyon ng Islam. Inilayo niya ang tao mula sa makamundong buhay tungo sa mga gawaing maghahatid sa kanya sa Kabilang Buhay.
-
Ang matatag na maniwala na ang Sugo ng Allah (s) ang pinakadakilang Propeta at Sugo, at ang Huling Propeta at Sugo. Walang Propeta o Sugo ang darating pa pagkaraan niya. Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "Si Muhammad ay hindi ama ng sinuman sa inyong mga kalalakihan, nguni't Siya ang Sugo ng Allah at huli sa (kawing ng) mga Propeta. At ang Allah ang lagi nang Lubos na Maalam sa bawa't bagay." (Qur'an 33:40)
Ang Propeta (s) ay nagsabi: "Ako ay ginawaran ng pagpapala nang higit sa lahat ng Propeta ng anim na bagay: Ako ay binigyan ng kakayahan ng Jawami al-Kalim, (ang kakayahang magsalita ng maikli nguni't makahulugan at mahalaga) ang maghasik ng takot sa puso ng mga kaaway, ang labi ng digmaan ay pinahihintulot sa akin na kuhanin, at ang buong kalupaan ay itinuturing bilang pook ng pagdarasal, at paraan ng paglilinis, at ako ay isinugo sa buong sangkatauhan, at ako ang Huling Propeta."(Muslim & Tirmidthi)
-
Ang matatag na maniwala na ang Propeta (s) ay ganap na naihatid o naipalaganap sa atin ang Deen ng Islam, sa kabuuang aspeto nito. Hindi maaaring magdagdag o magbawas mula sa relihiyong Islam (Deen). Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "Sa araw na ito, Aking ginawang ganap ang inyong relihiyon para sa inyo, Aking nilubos ang pagpapala sa inyo at pinili para sa inyo ang Islam bilang inyong relihiyon." (Qur'an 5:3)
Ang Islam ay isang kabuuang pamamaraan ng buhay; saklaw nito ang aspetong panlipunan, pampolitikal, pangkabuhayan at kagandahang-asal. Ito ay nag-aakay sa isang tao upang mabuhay nang matiwasay sa mundong ito at maging sa Kabilang Buhay.
Si Thomas Carlyle ay nagsabi (tungkol sa mga Muslim at Qur'an): 'Ang mga Mahometans ay nagsasaalang-alang sa kanilang Koran nang may kabanalan samantalang kakaunti sa mga kristiyano ang nagsasalang-alang sa kanilang Bibliya. Ito ay tinatanggap sa lahat ng dako bilang pamantayan ng lahat ng batas at lahat ng pagsasanay; ang bagay na haka-haka ay lumipas na; ang mensahe ay ipinadala nang tuwiran mula sa langit, na siyang dapat na pinagtibay ng daigdig at siyang dapat tahakin; ito ang isang bagay na dapat basahin. Ang kanilang mga hukom ay nagpapasiya sa pamamagitan nito, ginawang isang tungkulin ng lahat ng Moslem na pag-aralan ito, ginagawang batayan para sa liwanag ng kanilang buhay. Sila ay mayroong mga Masjid na kung saan ito ay kanilang binabasa araw-araw; sa loob ng labindalawang daan taon, ito ay nagkaroon ng tinig, sa lahat ng sandali, nananatiling may tinig sa mga tainga at puso ng maraming tao. Aming narinig mula sa mga Mahometan Doktors na kanilang nabasa ito ng pitumpung libong ulit!' ('Heroes, Hero-Worship and the Heroic in History')
- Ang buong katatagang maniwala na ang Sugo ng Allah ay ganap na naihatid ang mensahe ng Allah at siya ay nagbigay ng tapat na payo sa kanyang pamayanan (Ummah). Walang kabutihan maliban na pinatnubayan niya ang kanyang pamayanan sa bagay na ito, at walang gawaing makasalanan maliban na binigyang babala niya ang tao mula rito. Ang Propeta (s) ay nagsalita sa kanyang Huling Khutbah (sermon) sa panahon ng Hajj: "Hindi ko ba naihatid (naipalaganap) ang Mensahe ng Allah sa inyo?' Sila ay sumagot, 'Oo (ito ay iyong nagawang maipalaganap).' Siya ay nagsabi: 'O Allah! Ikaw ay Saksi!" (Agreed Upon)
- Ang maniwala na ang Shari'ah (Batas ng Islam) ni Muhammad (s) ay ang tangi at isang kinikilala at tinatanggap na Batas (o Shari'ah). Ang sangkatauhan ay hahatulan batay sa Batas na ito (ang Shari'ah ng Islam). Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "At sinumang humanap ng iba pang relihiyon bukod sa Islam, ito ay hindi tatanggapin sa kanya kailanman, at sa Kabilang buhay siya ay kabilang sa mga nawalan (o talunan). (Qur'an 3:85)
-
Ang maging masunurin sa Propeta (s). Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "At sinumang sumunod sa Allah at sa Sugo (Muhammad), samakatuwid, makakasama nila ang mga pinagkalooban ng Allah ng Kanyang Pagpapala, ang Nabiyyeen (mga Propeta), ang Siddiqeen (mga matatapat at pangunahing mga tagasunod ng mga Propeta), ang Shuhada (mga martir), at ang Saliheen (mga matutuwid). At sadyang napakahusay ng mga kasamahang ito!”(Qur'an 4:69)
Ang pagsunod sa Propeta (s) ay pagsunod sa anumang kanyang ipinag-uutos at pagtalikod sa anumang kanyang ipinagbabawal. Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "…At anumang ipagkaloob ng Sugo sa inyo, tanggapin ito; at anuman ang kanyang ipagbawal sa inyo, umiwas mula rito." (Qur'an 59:7)
Ang Dakilang Allah ay nagsabi at binigyang linaw ang kaparusahan ng sinumang hindi umiiwas mula sa anumang ipinagbabawal ng Propeta (s). Siya ay nagsabi: "At sinuman ang sumuway sa Allah at sa Kanyang Sugo (Muhammad), at lumabag sa Kanyang (itinakdang) hangganan, siya ay itatapon Niya sa apoy, upang mamalagi (siya) roon, at siya ay magkakaroon ng kasakit-sakit na parusa."parusa (Qur'an 4:14)
-
Dapat na tanggapin ng buong puso at kasiyahan ang hatol ng Sugo ng Allah at huwag mag-alinlangan o sumalangsang kung ano ang minarapat at pinahintulutan ng Propeta (s). Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "Nguni’t hindi, sumpa man sa iyong Rabb, sila ay hindi magkakaroon ng pananampalataya hangga’t hindi ka nila ginagawang tagapaghatol sa lahat ng kanilang hidwaan, at matatagpuan ang mga sariling walang pagtutol sa iyong mga kapasiyahan, at tinatanggap (ang mga ito) nang may lubos na pagpapakumbaba." (Qur'an 4:65)
Karagdagan pa rito, ang isang Muslim ay nararapat bigyan ng higit na pagpapahalaga ang Shari'ah kaysa sa anupamang bagay sapagka't ang Dakilang Allah ay nagsabi: "Sila ba, kung gayon, ay humahanap ng Hatol (batay) sa (panahon ng Jahiliyah [Kamangmangan])? At sino ba ang nakahihigit pa sa Allah sa paghatol sa mga taong may matatag na pananampalataya?" (Qur'an 5:50)
-
Ang bigyan ang Propeta (s) ng mataas na paggalang at pagpapahalaga nang ayon sa kanyang katayuan bilang Dakilang Sugo at Propeta ng Allah. Ang Propeta (s) ay nagsabi: 'Huwag ninyo akong labis na purihin sapagka't ako ay isa lamang alipin ng Allah bago niya ako itinakda bilang Sugo.' (At-Tabrani)
-
Ang magsumamo sa Allah na itampok ang pagbanggit sa Propeta (s). Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "Katotohanan, ang Allah ay nagpadala ng Kanyang Salat (Biyaya, Karangalan, Pagpapala, Habag) sa Propeta (Muhammad) at maging ang Kanyang mga anghel (ay nagsusumamo ng pagpapala at kapatawaran sa kanya). O kayong mananampalataya (mga Muslim)! Ipadala ang inyong Salat sa kanya (kay Propeta Muhammad) at ipagsumamo sa Allah na panatilihing ligtas ang Propeta sa anumang masamang bagay)." (Qur'an 33:56)
Ang Sugo ng Allah (s) ay nagsabi: 'Ang kaaba-aba ay ang isang tao na kapag narinig niya ang pagbanggit sa aking pangalan ay hindi nagsusumamo sa Allah upang itampok ang pagbanggit sa akin.' (Tirmidthi)
-
Ang mahalin at igalang ang Propeta (s) sa paraang nararapat at naaangkop sa kanya; sapagka't ang sangkatauhan ay napatnubayan sa pamamagitan niya. Siya ay nararapat mahalin at ituring siyang higit na dapat mahalin kaysa sa sarili' sapagka't ang isang yumakap sa Islam ay magiging masagana sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "Sabihin: 'Kung ang inyong mga ama, inyong mga anak na lalaki, inyong mga kapatid na lalaki, ang inyong mga asawa, ang inyong mga kamag-anakan, ang inyong kayamanang pinagkitaan, ang inyong kalakal na pinangangambahang malugi, ang inyong mga tahanang ikinasisiya ay higit na mahalaga sa inyo kaysa sa Allah at sa Kanyang Sugo, at sa pakikipaglaban sa Landas ng Allah, magkagayon, kayo ay magsipaghintay hanggang dalhin ng Allah ang kanyang Pasiya (parusa). At hindi pinapatnubayan ng Allah ang mga taong Fasiq (mapanghimagsik, palasuway sa Allah." (Qur'an 9:24)
Ipinaliwanag ng Propeta (s) ang bunga na pagmamahal sa kanya; sa kanyang naging kasagutan sa taong nagtanong sa kanya: 'Kailan ba ang Araw ng Pagkabuhay-Muli?' Ang Propeta (s) ay nagsabi: 'Ano ang ipinaglaan mo para rito?' Ang lalaki ay hindi sumagot agad, at pagkaraan ay nagsabi: 'O Sugo ng Allah, hindi ako nagsagawa ng mga (kusang-loob na) pagdarasal, pag-aayuno, o kawanggawa nguni't mahal ko ang Allah at ang Kanyang Sugo.' Ang Propeta ay nagsabi: 'Ikaw ay tatawagan sa Araw ng Pagkabuhay-Muli kasama ng iyong mga minamahal!' (Bukhari & Muslim)
Ang Propeta (s) ay nagsabi: 'Kung ang isang tao ay pinanghawakan ang tatlong bagay, kanyang malalasap ang tamis at ganda ng Iman (pananampalataya); (ang una) na ang Allah at Kanyang Sugo ay higit niyang minamahal kaysa sa anumang bagay, (ang ikalawa) ang mahalin ang isang tao nang dahil sa Allah, at (ang ikatlo) ang kamuhian ang pagbabalik niya sa Kufr (kawalan ng pananampalataya sa Allah) pagkaraan ang tao ay ilayo ng Allah mula rito tulad ng pagkamuhi niya na itapon siya sa apoy (ng Impiyerno).' (Muslim)
Ang paggalang at pagmamahal sa Propeta (s) ay nangangahulugan din na ang isang Muslim ay nararapat na igalang at mahalin ang sinumang minamahal ng Propeta (s) tulad ng kanyang pamilya, kanyang mga kasamahan. Nararapat ding kamuhian ng isang Muslim ang kinamumuhian ng Allah at ng Kanyang Propeta (s) sapagka't ang Propeta (s) ay nagmahal at namuhi lamang nang dahil sa Allah .
-
Ipalaganap at anyayahan ang mga tao sa Islam; at ipaliwanag ang Deen (relihiyon) ng Allah sa pamamagitan ng paggamit ng tamang kaalaman at mabuting pamamaraan. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagtuturo sa walang nalalaman at magpaalala sa isang nakalilimot o di nakaaalam. Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "Anyayahan (ang sangkatauhan, O Muhammad) sa Landas ng iyong Rabb (Panginoon) nang may karunungan (sa pamamagitan ng Qur'an) at kaaya-ayang pakikipagtalakayan, at makipagtalo sa kanila sa paraang makabubuti. Katotohanan, ang iyong Rabb (Panginoon) ay higit na nakababatid kung sino ang napaligaw mula sa Kanyang Landas, at (Lubos) Niyang natatalos yaong mga napatnubayan." (Qur'an 16:125)
Ang Propeta (s) ay nagsabi: "Ipalaganap sa iba (ang Deen, relihiyong Islam), kahit sa pamamagitan ng isang ayah (talata) lamang."(Iniulat ni Tirmidhi)
-
Ang ipagtanggol ang Propeta (s) at ang kanyang Sunnah, sa pamamagitan ng pagtakwil sa mga di-napananaligang Hadeeth (salaysay) na iniaakibat sa kanya at liwanagin ang lahat ng mga di-mapananaligang paksa na sinasabi ng mga kaaway ng Islam, at ipalaganap ang tunay at malinis na mensahe ng Islam sa mga di-nakaaalam sa kanila.
-
Ang manatiling sumusunod sa Sunnah ng Propeta (s). Siya ay nagsabi: "Dapat na manatili sa aking Sunnah at sa Sunnah ng mga napatnubayang mga Khalifa (pinuno). Humawak nang mahigpit at kumapit sa pamamagitan ng inyong mga bagang (ngiping pang-nguya). At mag-ingat sa mga gawaing Bid'aah (mga gawaing salungat sa aral ng Islam). Sapagka't, katotohanan na ang mga gawaing pagbabago ay Bid'aah (mga gawaing salungat sa aral ng Islam), at bawa't Bid'aah ay (nag-aakay sa) pagkakaligaw (sa patnubay)."(Ibn Hibban at Abu Dawood).