Ang Ibang Disente, at Kalugud-lugod na Asal ng Propeta
-
Ang Kanyang Mabuting Pakikipag-ugnayan sa Kanyang Mga Kasamahan:
Ito ay bantog dahil sa katotohanan na mayroon kaming mapananaligang salaysay tungkol sa talambuhay ng Propeta. Ang Propeta (s) ay huwaran na dapat nating pamarisan sa lahat ng ating mga gawain o kalagayan. Si Jareer b. Abdullah (d) ay nagsabi: 'Hindi ako pinigilan ng Propeta (s) upang umupong kasama niya mula nang ako ay yumakap sa Islam. Siya ay laging nakangiti kapag siya ay nakatingin sa akin. Minsan, ako ay dumaing sa kanya na ako ay hindi makasakay sa kabayo at bahagyang tinapik ako sa tiyan at siya ay nanalangin sa Dakilang Allah na nagsasabing: 'O Allah! Patatagin siya, at gawin siyang isang taong nagpapatnubay sa iba at isang pinagmumulan ng patnubay.' (Bukhari #5739)
-
Ang Propeta (s) ay Mapag-aliw at Mapagbiro sa Kanyang Mga Kasamahan:
Si Anas b. Malik (d), ay nagsabi: ‘Ang Sugo ng Allah ay isang taong may kaaya-ayang kilos. Ako ay may isang batang kapatid na lalaki na ang pangalan ay Abu Umair – siya ay maglalaro ng kanyang maliit na ibon na tinawag na 'An-Nughair'. Sinabi ng Propeta (s) sa kanya: 'O Abu Umair, ano ang ginagawa ng Nughair?!' habang nilalaro ito. (Muslim #2150)
Ang Propeta (s) ay hindi lamang umaaliw at nakikipagbiruan sa kanyang mga kasamahan sa pamamagitan ng bibig; manapa'y, siya ay nakikipaglaro sa kanila. Si Anas b. Malik (d) ay nagsabi: 'Isang Bedouin na nangangalang Zahir b. Haram ay nagbigay ng regalo sa Propeta (s) at siya naman ay naghahanda ng anumang bagay para sa kanya. Ang Propeta (s) ay nagsabi: 'Si Zahir ay ating disyerto, at tayo naman ay kanyang lungsod.' Ang Propeta (s) ay lumapit sa kanya habang siya ay nagtitinda ng kanyang mga paninda, at Ang Propeta (s) ay yumakap sa kanyang likuran at siya ay hindi niya makita. Kaya, sinabi niya: 'Bitiwan mo ako!' Nang malaman niya na ito ay Ang Propeta (s) na nakayakap sa kanya, idiniin niya ang kanyang likod sa dibdib ng Propeta (s)! Ang Sugo ng Allah ay nagsabi: 'Sino ang bibili sa aliping ito mula sa akin?' Si Zahir (d) ay nagsabi: 'O Sugo ng Allah, ako ay walang halaga!' Ang Sugo ng Allah ay sumagot: 'Ikaw ay hindi itinuturing na walang halaga ng Allah!' o kanyang sinabi: 'Ikaw ay mahalaga at mahal sa Allah.' (Ibn Hibban #5790)
-
Siya ay Sumasangguni sa Kanyang Mga Kasamahan:
Ang Propeta (s) ay sumasangguni sa kanyang mga kasamahan at isinasaalang-alang niya ang kanilang mga payo at mga pananaw na nauukol sa iba't ibang suliranin at mga paksa na walang pinagbabatayan sa kapahayagan ng Qur'an. Si Abu Hurairah (d), ay nagsabi: 'Wala akong nakitang tao na higit na masigasig para sa tapat na payo ng kanyang kasamahan maliban sa Sugo ng Allah .' (Tirmidthi #1714)
-
Ang Pagdalaw sa Maysakit, Maging ito Man ay Muslim o di-Muslim:
Ang Propeta (s) ay mapag-alala tungkol sa kanyang mga kasamahan at lagi niyang tinitiyak na sila ay nasa maaayos na kalagayan. Kung siya ay napagsabihan tungkol sa isang kasamahang maysakit, siya ay nagmamadaling dadalaw sa kanya na kasama ang ibang kasamahan. Hindi lamang niya dinadalaw ang mga Muslim kundi maging ang mga di-Muslim. Si Anas b. Malik (d) ay nagsabi: 'Isang batang lalaking Hudyo ang naglilingkod sa Propeta (s) at siya ay nagkasakit, kaya sinabi ng Propeta : 'Halina at siya ay ating dalawin.' Sila ay dumalaw at natagpuan nilang nakaupo ang kanyang ama sa dakong ulunan nito at ang Sugo ng Allah ay nagsabi: 'ipahayag na walang ibang diyos maliban sa Allah lamang at ako ay mamagitan para sa iyo sa Araw ng Pagkabuhay-Muli.' Ang batang lalaki ay sumulyap sa kanyang ama, at ang ama ay nagsabi: "sumunod ka kay Abul-Qasim!' kaya ang batang lalaki ay nagpahayag ng: 'Walang ibang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah lamang, at si Muhammad (s) ay Kanyang Huling Sugo.' Ang Sugo ng Allah ay nagsabi: 'Al hamdulillah, [lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Allah lamang] Na Siyang nagligtas sa kanya sa Apoy ng Impiyerno.' (Ibn Hibban #2960)
-
Siya ay mapagpasalamat para sa kabutihan ng mga tao sa kanya at ginagantimpalaan niya nang labis-labis.:
si Abdullah b. Umar (d) ay nagsabi na ang Sugo ng Allah ay nagsabi: 'Sinuman ang humingi ng paglingap sa Allah laban sa iyong kasamaan, samakatuwid, huwag mo siyang saktan. Sinuman ang humingi sa iyo sa pamamagitan ng Allah, samakatauwid, bigyan mo siya. Sinuman ang nag-anyaya sa iyo, samakatuwid, paunlakan ang paanyaya nito. Sinuman ang gumawa ng kabutihan para sa iyo, samakatuwid, siya ay bayaran mo ng gayong din paraan; nguni't kung hindi ka makakita ng gayong, maari mong gantimpalaan, samakatuwid, magsumamo (o manalangin sa Allah tuwina hanggang iyong inakala na siya ay iyo ng nabayaran (o natumbasan).' (Ahmed #6106)
Si A'ishah, ay nagsabi:‘Ang Sugo ng Allah ay tumatanggap ng regalo, at nagbibigay ng gantimpala nang dahil dito.' (Bukhari #2445)
-
Ang Pagmamahal ng Sugo ng Allah sa lahat ay maganda at mabuti:
Si Anas (d) ay nagsabi: 'Ang kamay ng Sugo ng Allah ay higit na malambot kaysa sa sutla na aking nahawakan at ang kanyang amoy ay mabango kaysa sa alinmang pabango na aking nalanghap.' (Bukhari #3368)
-
Ang Sugo ng Allah ay nalulugod na tulungan ang iba. Siya ay namamagitan para sa iba:
Si Abdullah b. Abbas (d) ay nagsabi: 'Ang asawa ni Bareerah, ay isang alipin na ang pangalan ay Mugheeth – nakita ko siyang naglalakad sa likuran niya habang umiiyak sa mga lansangan ng Madinah, at ang kanyang luha ay umaagos sa kanyang mga balbas. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi kay Al-Abbas: 'Hindi ka ba nagigilalas, kung gaano kamahal ni Mugheeth si Bareerah, at gaano naman niya kinamumuhian si Mugheeth!' Ang Propeta (s) ay nagsabi kay Bareerah: 'Bakit hindi ka bumalik sa kanya?' Siya (ang babae) ay nagsabi sa kanya: 'Ako ba ay inuutusan mong gawin ito?' Siya ay nagsabi: 'Hindi, nguni't ako ay namamagitan lamang ako para sa kanya.' Siya ay nagsabi: 'Hindi ko na siya kailangan pa. ' (Bukhari # 4875)
-
Ang Sugo ng Allah ay gumagawa para sa kanyang sarili:
Si A'ishah (nawa'y kalugdan siya ng Allah) ay nagsabi:'Ako ay tinanong kung ano ang pag-uugali ng Sugo ng Allah sa kanyang sariling pamamahay.' Siya ay nagsabi: 'Siya ay tulad ng karaniwang lalaki; siya ay naglalaba ng kanyang mga damit, ginagatasan ang kanyang alagang tupa, at inaasikaso ang kanyang sarili.' (Ahmed 24998)
Sa kanyang pagiging pinakamahusay ng pag-uugali, hindi lamang gumagawa para sa kanyang sarili kundi pinaglilingkuran din niya ang iba. Si A'ishah (nawa'y kalugdan siya ng Allah) ay nagsabi:'Ako ay tinanong kung ano ang pag-uugali ng Sugo ng Allah sa kanyang sariling pamamahay.' Siya ay nagsabi: 'Siya ay tumutulong sa mga gawaing pambahay at kapag narinig na niya ang Adhan (tawag sa pagdarasal), siya ay aalis patungong Masjid.' (Bukhari 5048)