Sino ang Sugong si Muhammad(s)?
Kung ang pag-uusapan ay tungkol kay Propeta Muhammad (s), dapat isaalang-alang na ang paksang tatalakayin ay nauukol sa pinakadakilang tao sa kasaysayan. Sa katotohanan, ito ay hindi pahayag na walang pinananaligang batayan; sapagka't kung kanilang babasahin ang kanyang talambuhay, katiyakan na kanilang matutuklasan sa katauhan ng Propeta Muhammad (s) ang isang napakagandang larawan ng isang taong nagtataglay ng ganap na kabutihan, kalinisan ng puso at dalisay na pananalig sa Poong Maykapal. Nararapat ding isantabi ang mga haka-haka at mga maling paratang upang maabot ang layuning matunghayan ang tunay na katauhan ng Dakilang Propeta (s).
- Ang Kanyang Angkan
- Ang Pook ng Kanyang Kapanganakan
- Ang Paglalarawan sa Propeta (s)
-
Ang Kanyang Angkan
Siya si Abul-Qasim Abul-Qasim (ama ni Al-Qasim) Muhammad (s), anak ni Abdullah, na anak ni Abdul-Mutalib. Ang kanyang lahi ay mula sa bakas ng mga tribu ni Adnan, na anak ni Ismael (ang Propeta ng Allah, na anak ni Abraham, na siyang pinili at minamahal ng Allah, (s). Ang kanyang ina ay si Aminah, na anak na babae ni Wahb. Nawa'y purihin at itampok ng Allah (s) ang pagbanggit sa kanila.
Ang Propeta (s) ay nagsabi: ‘Katotohanang hinirang ng Allah ang tribu ng Kinaanah nang higit kaysa ibang tribu ng mga Anak ni Ismaael; Pinili Niya ang Quraish nang higit mula sa tribu ng Kinaanah; at pinili Niya ang Banu Haashim higit kaysa sa mga ibang angkan ng Quraish; at hinirang Niya ako mula sa Banu Haashim.’ (Muslim #2276)
Kaya, ang Propeta (s) ang may pinakamarangal na angkan sa buong mundo. Napatunayan ng kanyang mga kaaway ang katotohanang ito; tulad ni Abu Sufyan (s), na siyang pinakamahigpit na kalaban ng Islam bago siya naging Muslim, ay nagpahayag sa harapan ni Heraclius, ang Emperador ng Roma.
Si Abdullah b. Ab’bas, ay nag-ulat na ang Sugo ng Allah (s) ay lumiham kay Heraclius at inanyayahan ito sa Islam at ipinadala niya ito sa pamamagitan ni Dihya Al-Kalbi, na iniabot naman sa Gobernador ng Busra at siyang nagbigay kay Heraclius.
Si Heraclius bilang pasasalamat sa Allah (U), ay naglakad mula sa ‘Hims’ hanggang sa ‘Ilya’ (i.e. Jerusalem) nang siya ay pinagkalooban ng tagumpay laban sa mga puwersa ng Persia. Kaya naman noong natanggap at nabasa niya ang sulat ng Sugo ng Allah , siya ay nagsabi; ‘Hanapan ninyo ako ng kahit sino sa kanyang mamamayan, (Arabo na tribu ng Quraish) na naririto ngayon upang magtanong tungkol sa Sugo ng Allah (s)!’ Sa panahong iyon si Abu Sufyan bin Harb ay nasa Sham na may kasamahan mula sa Quraish na nagtungo (sa Sham) bilang mangangalakal sa panahon na sila ay may kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Sugo ng Allah at ng mga taga Quraish na di-mananampalataya. Sinabi ni Abu Sufyan; “Nakita kami ng isang alagad ni Heraclius sa may lugar ng Sham kaya dinala kami at ng aking mga kasamahan sa Ilya at kami ay tinanggap sa harapan ni Heraclius na natagpuan naming nakaupo sa kanyang maharlikang bulwagan na may putong ng korona at nakapalibot ang kanyang mga matataas na pinuno. Sinabi niya sa kanyang tagasalin ng wika. ‘Tanungin mo sila kung sino sa kanila ang may pinakamalapit na kaugnayan sa taong nag-aangkin bilang isang Propeta.”
Si Abu Sufyan ay nagsalaysay;
“Ako ay sumagot, ako ang may malapit na kaugnayan sa kanya.’ Siya ay tinanong; ‘Anong antas ang inyong pagkamag-anakan sa kanya?’ Siya ay sumagot, ‘Siya ay aking pinsan’, at walang iba pang may kaugnayan sa kanya mula sa mga ‘Bani Abd Manaf’ na kasama ngayon sa aming pangkat kundi ako’. Si Heraclius ay nagsabi; ‘Papuntahin siya sa tabi ko.’ Pinapunta rin ang aking mga kasamahan sa likuran ko sa may bandang balikat ko at sinabi sa kanyang tagasaling wika; ‘Sabihin mo sa kanyang mga kasamahan na tatanungin ko siya (Abu Sufyan) tungkol sa taong nag-aangkin bilang Propeta. At kung siya (Abu Sufyan) ay magsisinungaling, dapat nila itong salangsangin o pabulaanan kaagad.”
Si Abu Sufyan ay nagpatuloy;
“Sumpa man sa Allah!, kung hindi lang ako nahihiya sa aking mga kasamahan na tawagin akong sinungaling, hindi ko sana sinabi sa kanya ang katotohanan tungkol sa kanya (ang Propeta) nang ako ay tanungin. Nguni't itinuring kong isang kahihiyan na tawagin akong sinungaling ng aking mga kasamahan kaya ko sinabi ang katotohanan.”
Si Heraclius ay nagsabi sa kanyang tagasalin; “Tanungin mo siya kung anong uri ng angkan na mayroon siya (ang Propeta).’ Siya ay sumagot; ‘Siya ay nagmula sa mga mararangal na angkan mula sa amin.’ At sinabi niya; ‘Mayroon bang ibang tao mula sa inyo na nag-angkin bilang Propeta bago pa man siya?’ Ako ay sumagot; ‘Wala’. Sinabi ni Heraclius; ‘Siya ba ay inakusahan ninyo na sinungaling bago niya inangkin ang pagiging Propeta?; Ako ay sumagot, ‘Hindi’. Siya ay nagtanong ulit; ‘Mayroon bang naging Hari sa kanyang mga ninuno o angkan?’ Ako ay sumagot; ‘Wala’. Nagtanong ulit; ‘Ang mga tagasunod ba niya ay mga mararangal o mga maralitang tao?’ Siya ay sumagot, ‘Ang mga taong maralita ang kanyang mga tagasunod.’ Tinanong ulit; ‘Sila ba ay dumarami o nagiging kakaunti (araw-araw)?’ Sumagot ako; ‘Sila ay dumarami.’ Nagtanong ulit; ‘Mayroon bang yumakap sa kanyang Deen (Relihiyon) na hindi nasiyahan at umalis sa kanyang Deen?’ Ako ay sumagot; ‘Wala.’ Nagtanong ulit; ‘Sumisira ba siya sa kanyang mga (kasunduan) pangako?’ Ako ay sumagot; ‘Hindi, nguni't ngayon ay may kasunduan kaming pangkapayapaan at kami ay nag-aalinlangan na baka siya ay magtalu-sira sa amin.”
Si Abu Sufyan ay nagdagdag;
“Maliban sa huling pananalita ko, ay wala na akong masabing laban pa sa kanya.” Si Heraclius ay nagtanong ulit; “Nagkaroon ba kayong digmaan laban sa kanya?’ Ako ay sumagot; ‘Oo.’ Siya ay nagtanong ulit; ‘Ano ang naging bunga ng inyong pakikipaglaban sa kanya?’ Ako ay sumagot; ‘Kung minsan sila ay nananalo at kung minsan naman kami.’ Siya ay nagtanong ulit; ‘Ano ba ang kanyang mga itinatagubilin o ipinag-uutos sa inyo?’ Ako ay sumagot; ‘Sinasabi sa amin na sumamba lamang sa Allah, at huwag sumamba ng iba maliban sa Allah, at talikdan ang lahat ng mga sinasamba ng aming mga ninuno. Ipinag-uutos niya ang pagdarasal, pagkakawanggawa, pagiging malinis, tuparin ang mga kasunduan o pangako at ibalik kung anuman ang ipinagkatiwala sa amin.”
Nang sinabi ko iyon, sinabi sa tagasalin-wika ni Heraclius na; ‘Sabihin mo sa kanya; ‘Tinanong kita tungkol sa kanyang angkan at sinabi mo na siya ay mula sa mga mararangal na angkan. Sa katunayan, lahat ng mga Propeta at Sugo ay nagmula sa pinaka-marangal na lahi ng kanilang bayan o pamayanan. Pagkatapos, tinanong kita kung mayroong ibang tao mula sa inyo ang nag-angkin ng ganoong bagay (bilang Propeta), at sinabi mong wala. Kung ang iyong sagot ay pagsang-ayon, inisip ko baka siya ay sumunod lamang sa yapak ng nauna sa kanya. Nang tanungin kita kung siya ay inakusahan o nagsabi ng kasinungalingan, ang sagot mo ay hindi, kaya masasabi ko na ang taong hindi pa nagsinungaling sa mga tao ay hindi magsisinungaling tungkol sa Allah. At tinanong kitang muli kung mayroon ba siyang ninuno na naging hari. At ikaw ay sumagot na "wala", na kung mayroon siyang ninuno na naging hari, maaaring nais lamang niyang maibalik ang pinagmulang kaharian.
Nang tanungin kita kung ang mga mayayaman o mga dukha ang kanyang mga tagasunod, ikaw ay sumagot na ang mga maralita ang karaniwang sumusunod sa kanya. Sa katunayan, ang mga taong maralita ang mga karaniwang tagasunod ng mga Sugo at Propeta. Pagkatapos tinanong kita kung ang kanyang mga tagasunod ay dumarami o kumukonti. Ikaw ay sumagot na sila ay dumarami.
Sa katotohanan, ito ang bunga ng isang tunay na pananampalataya hanggang ito ay mabuo nang ganap. At tinanong kita kung mayroon sa kanyang mga tagasunod, pagkatapos yumakap sa kanyang Deen, ay hindi nasiyahan at iwinaksi ulit ang kanyang Deen, at ang iyong sagot ay patanggi na naman. Sa katunayan, ito ang palatandaan ng tunay na pananampalataya, na kung ang kasiyahan dito ay pumasok nang ganap sa puso, walang sinuman ang makakatanggi dito. At tinanong kita kung sumisira siya sa kanyang mga pangako, ikaw ay sumagot ulit ng patanggi. Ganyan ang mga Propeta at Sugo na tumutupad lagi sa mga pangako. Nang tanungin kita kung kayo ay nagkaroon ng labanan at ang sagot mo ay pag-amin at sinabi mo kung minsan sila ay nananalo at kung minsan ay kayo. Tunay, na ang mga Sugo at Propeta ay nabibigyan ng pagsubok at sa huli ang tagumpay ay sa kanila.
Pagkatapos tinanong kita kung ano ang ipinag-uutos sa inyo. Ang sagot mo ay inuutusan kayong sumamba lamang sa Allah at huwag magtambal ng ibang diyos sa pagsamba sa Kanya, at talikdan ang lahat ng mga dating sinasamba ng inyong mga ninuno, ang mag-alay ng pagdarasal, ang magsabi lang ng katotohanan at maging malinis, tuparin ang mga pangako at ibalik kung anuman ang ipinagkatiwala sa inyo. Ang mga ito ang tunay na katangian ng Propeta na alam kong darating (na nabanggit mula sa mga naunang kapahayagan), subali't hindi ko alam na siya ay magmumula sa inyo. Kung ang iyong mga sinabi ay katotohanan, hindi malayong mangyari na sasakupin niya ang daigdig at ang lugar na kinatatayuan ko, at kung nababatid ko na siya ay aking maaabutan, ako ay tutungo sa kanya upang makaharap siya, at kung siya ay aking makakasama, katiyakang aking huhugasan ang kanyang mga paa.” ang liham ng Propeta ng Allah at ito ay binasa. Ang nilalaman ay;
Patuloy ni Abu Sufyan;
‘Tinanong ni Heraclius “Ako ay nagsisimula sa Ngalan ng Allah, ang Mahabagin, ang Maawain. (Ang liham na ito ay) mula kay Muhammad, ang alipin ng Allah at ang kanyang Sugo, para kay Heraclius, ang Hari ng Byzantine. Kapayapaan sa mga tumatahak sa tamang patnubay. Kayo ay aking inaanyayahan sa Islam. (i.e. ang pagsuko sa Allah). Tanggapin ninyo ang Islam at kayo ay maliligtas, tanggapin ninyo ang Islam at kayo ay mabibigyan ng dalawa o ibayong gantimpala. Datapwa’t kung tatanggihan ninyo ang paanyaya ng Islam, kayo ay mananagot sa mga iniligaw ninyong mga tagasunod (i.e.: ang inyong bayan o pamayanan). “O Angkan ng Kasulatan! Halina kayo sa isang usapan na makatarungan sa pagitan namin at ninyo, na huwag tayong sumamba (sa iba) maliban sa Allah, at huwag tayong magbigay ng anumang katambal sa Kanya, at huwag nating itakda ang ilan sa atin bilang panginoon maliban sa Allah. At kung sila ay magsitalikod, inyong sabihin; ‘Maging saksi kayo na kami ay mga tumatalima at sumusuko (sa Allah).” (Qur’an, 3:65)
Nagpatuloy si Abu Sufyan;
‘Nang matapos magsalita si Heraclius, nagkaroon ng malakas na hiyawan at iyakan mula sa mga matataas na opisyal ng Byzantine, at may malalakas na ingay na hindi ko naintindihan. Sa gayong dahilan, kami ay pinalabas na sa bulwagan.’ Nang kami ay nakalabas ng aking mga kasamahan at kami-kami na lamang, sinabi ko sa kanila, ‘Tunay na ang kalagayan ni Ibn Abi Kabsha (i.e.: ang Propeta) ay nagtatamo ng lakas (o kapangyarihan). Pinangangambahan na siya nitong Hari ng Bani Al-Asfar.”
Dagdag pa ni Abu Sufyan;
‘Sumpa man sa Allah , nakatitiyak ako na ang Deen na ito (Relihiyon ng Islam) ay magtatagumpay… at sa bandang huli niyakap ko na rin ang Islam.’ (Bukhari #2782)
-
Ang Pook ng Kanyang Kapanganakan at Kabataan
Ang Propeta (s) ay ipinanganak noong taong 571 (G) sa tribu ng Quraish (na siyang itinuturing na pinakamarangal sa mga Arabo) sa Makkah [ang tumatayong kabisera ng Relihiyon ng Tangway (Peninsulang) Arabia].
Ang mga Arabo ay magsasagawa ng Hajj sa Makkah, at maglalakad sa palibot ng Ka'bah na itinayo nina Propeta Abraham (a) at ang kanyang anak na si Ismael (a).
Ang Propeta (s) ay isang ulila. Ang kanyang ama ay namatay bago siya ipinanganak at ang kanyang ina ay namatay nang siya ay anim na taong gulang. Ang kanyang lolo na si Abdul-Mutalib ang siyang nag-alaga sa kanya. Noong namatay ang kanyang lolo, ang tiyuhin niya na si Abu Talib ang siyang nag-alaga naman sa kanya. Ang kanilang tribu noong panahon na iyon at ang mga ibang tribung naroroon ay sumasamba sa mga idolo na yari sa bato. Ang mga ibang idolo ay inilagay sa paligid ng Ka’bah. Ang mga tao noon ay naniniwala na ang mga idolo ay nakapagpapagaling at nakapagbibigay ng biyaya.
Ang Propeta (s) ay isang mapagkakatiwalaang tao at hindi siya marunong magtaksil, mandaya at magsinungaling. Kaya siya ay tinaguriang ‘Al-Ameen’ o ‘Ang Mapagkakatiwalaan’. Ipinagkakatiwala at iniiwanan sa kanya ang mga mahahalagang ari-arian ng mga tao kung sila ay naglalakbay. Siya rin ay tinaguriang ‘As-Sadiq’ o ‘Ang Makatotohanan’dahil hindi siya marunong magsinungaling. Siya ay may magandang asal, magandang pananalita, at nais niyang laging makatulong sa mga tao. Minamahal siya ng mga tao at siya ay iginagalang nang dahil sa angking kagandahang pag-uugali. Ang Allah (y) ay nagsabi; "At katotohanan, ikaw (O Muhammad) ay nasa ipinagkakapuring antas (huwaran) ng Kagandahang Asal (at ugali)." [Qur'an, 68:4]
Si Thomas Carlyle ay nagsabi sa kanyang aklat: ‘Heroes, Hero-Worship and the Heroic in the History’; “Nguni't, mula sa kanyang kabataang gulang, siya ay tinaguriang bilang matapat na tao. Ang kanyang mga kasamahan ay tinawag siyang ‘Al-Amin’, ang ‘Mapagkakatiwalaan’. Siya ay taong makatotohanan at may katapatan, makatotohanan sa kanyang mga ginawa, sa kanyang mga salita at isip. Subali't siya ay pinag-iisipan nang masama ng iba. Siya ang taong di-masalita at siya ay tahimik kung walang makabuluhang sasabihin; nguni't siya ay matalino, matapat kapag nagsasalita at laging maganda at makahulugan ang mga paliwanag sa mga paksa. Ang kanyang mga pangungusap ay may katuturan at may kahalagahan. Sa kanyang buong buhay nabatid namin na siya ay matatag, buo ang loob, itinuturing ang lahat bilang kapatid at siya ay tunay na tao. Siya ay pormal, matapat na tao, nguni't magiliw, masayahin, palakaibigan, palabiro datapwa’t ang pagpapatawa niya ay makatotohanan; mayroong mga tao na ang kanilang pagtawa ay hindi makatotohanan at mayroon namang hindi marunong tumawa. Siya ay natural, mapagmahal subali't makatuwiran at makahulugang tao! Siya ay tigib ng liwanag sa kaisipan, at patuloy sa kanyang layunin sa malawak na disyerto."
Ang Propeta (s) ay madalas magtungo at nananatili sa loob ng yungib ng Hira bago siya nahirang bilang Propeta. Siya ay laging nagpapalipas ng maraming gabi roon. Hindi siya gumawa ng kasinungalingan; hindi siya uminom ng anumang nakalalasing at hindi siya sumamba o sumumpa sa mga idolo at hindi rin nag-alay ng pagkain o anumang bagay sa mga ito. Siya ay pastol ng kawan ng tupa na pagmamay-ari ng kanyang mamamayan. Ang Propeta (s) ay nagsabi; “Ang bawa't Propeta na itinalaga ng Allah ay mga pastol ng kawan ng tupa. Ang kanyang mga kasamahan ay nagtanong; ‘Pati ba ikaw O Propeta ng Allah?’ Siya ay sumagot; ‘Oo, inaalagaan ko ang mga kawan ng tupa ng mga tao ng Makkah.” (Bukhari #2143)
Nang siya ay 40-taong gulang, nakatanggap siya ng rebelasyon habang siya ay nasa loob ng yungib ng Hira noon. Ang ina ng mga mananampalataya na si Aishah, (kalugdan nawa siya ng Allah) ay nagsabi; "Ang unang bagay na nangyari sa Sugo ng Allah tungkol sa kapahayagan ay nasa anyo ng panaginip na kanyang nakikita sa kanyang pagtulog at nagkakatotoo. Hindi niya makikita ang isang panaginip maliban na ito ay nagkakatotoo tulad ng liwanag ng pagbubukang-liwayway. Pagkaraan nito, ang pagiging mapag-isa ay kinagiliwan niya. Kaya, siya ay lagi nang nagtutungo sa Yungib ng Hira at inilalaan ang panalangin doon para sa maraming bilang ng gabi at magdadala siya ng pagkain at nagbabalik lamang sa kanyang asawang si Khadijah upang muling kumuha ng pagkain para sa gayon ding pananatili sa yungib. Ito ay nagpatuloy hanggang ang kapahayagan ay dumating sa kanya habang siya ay nasa loob ng yungib ng Hira. Ang Anghel ay dumating sa kanya at nagsabi, “Basahin!” Ang Sugo ng Allah ay nagsabi, “Ako ay sumagot sa kanya: “Hindi ako marunong magbasa.” Kaya, ako ay hinablot ng Anghel at idiniin ako hanggang hindi ko na ito matagalan. Pagkaraan, ako ay kanyang binitawan at sinabi: “Basahin”. Kaya ako ay sumago:”Ako ay hindi marunong magbasa.” Kaya, idiniin akong muli hanggang hindi ko na ito matagalan. Pagkaraan, binitawan niya ako at sinabi: “Basahin!” Kaya, ako ay sumagot: “Ako ay hindi marunong magbasa.” Kaya, idiniin ako sa ikatlong pagkakataon hanggang hindi ko na ito matagalan.
Muli niya akong binitawan at sinabi: “Basahin mo! Sa Ngalan ng iyong Rabb (Panginoon) na lumikha” hanggang umabot sa talata (ayah) na, “na hindi niya nalalaman.” Nang siya (Propeta Muhammad) ay bumalik kay Khadijah, siya ay nanginginig at nagsabi, “Balutin mo ako, balutin mo ako.” Kaya, siya ay binalot ng kumot hanggang ang takot ay naglaho. Pagkaraan, isinalaysay niya ang lahat ng nangyari kay Khadijah, at nagsabi, “ako ay nangangamba na may isang bagay ang maaaring mangyari sa akin.” Si Khadijah ay sumagot, “Sa pamamagitan ng Allah, hindi ito mangyayari. Hindi ka pababayaan ng Allah. Maganda ang pakikitungo mo sa iyong mga kamag-anakan, ikaw ay nagsasalita ng katotohanan, tumutulong ka sa mga mahihirap at kapus-palad, inaasikaso mo ang iyong panauhin nang maayos. Pagkaraan nito, sinamahan ni Khadijah si (Propeta) Muhammad sa kanyang pinsang si Waraqah bin Nawfal bin Asad bin Abdul Uzza bin Qusay, na sa panahong yaon, ito ay isang kristiyano na palaging nagsusulat tungkol sa mga Banal na Kasulatan sa wikang arabik.
Siya ay matanda na at bulag ang kanyang mga mata. Si Khadijah ay nagsabi sa kanya, “O aking pinsan! Pakinggan mo ang salaysay ng iyong pamangkin.” Si Waraqah ay nagtanong, “O aking pamangkin, ano ba ang iyong nakita? Ang Sugo ng Allah ay nagsalaysay kung ano ang kanyang nakita. Si Waraqah ay nagsabi. Ito ay ang Anghel Jibril (Gabriel) na siya ring ipinadala kay Propeta Moises (Musa). Sana ako ay bata pa at mabuhay pa nang matagal, hanggang ikaw ay ipagtabuyan ng iyong mamamayan." Ang Sugo ng Allah ay nagtanong, “Ako ba ay itataboy nila?” Si Waraqah ay sumagot, Oo, sinuman ang dumating na may katulad ng dala mo ay pinakikitunguhan nang may karahasan at kalupitan at kung ako ay mananatiling buhay pa sa Araw na yaon, ikaw ay aking ipagtatanggol.” Nguni't si Waraqa ay hindi nagtagal at namatay. Ang kapahayagan ay huminto pansumandali.
Ang kabanata ng Qur’an, Surah (96) Al-Alaq na nabanggit sa itaas na Hadeeth ay simula ng paghirang kay Muhammad (s) bilang Propeta. At pagkaraan nito ipinahayag ng Allah (U) ang mga sumusunod na talata; “O ikaw (Muhammad) na nababalot (ng balabal); magbangon ka ipahayag mo ang iyong babala! At luwalhatiin ang iyong Rabb (Panginoon); At gawin mong dalisay ang iyong kasuotan.” (Qur’an, 74:1-4)
Ang pagbanggit sa kabanata ng Qur’an sa itaas ay simula sa paghirang kay Muhammad (s) bilang Sugo ng Allah (s). At sa pagbaba nitong rebelasyon, ang Propeta (s) ay nagsimulang hayagang nag-anyaya sa mga tao sa Islam. Siya ay unang nag-anyaya sa mga tao (sa kanilang lugar). Ang mga iba ay tumanggi at nagmatigas sa dahilang sila ay inaanyayahan sa bagay na bago lamang sa kanilang pandinig.
Ang (relihiyon) Deen ng Islam ay ganap at kabuuang pamamaraan ng buhay, ito ay tumatalakay sa aspeto ng relihiyon, politika, kabuhayan, lipunan at marami pang iba para sa kapakanan ng sangkatauhan. Karagdagan nito, ang Deen ng Islam ay hindi lamang nanawagan para sa pagsamba sa Allah (U) kundi nag-uutos sa paglayo sa pagsamba sa lahat ng mga idolo, at ipinagbabawal din sa kanila ang mga bagay na kanilang ikinasisiya subali't ito ay nakasasama; tulad ng pagkaing nagmula sa pagpapatubo at mga nakakalasing, pakikipagtalik sa hindi asawa at ang pagsusugal. Ang Islam ay naghihikayat din sa pagiging makatarungan at pagkapantay-pantay ng bawa't tao, at upang mabatid at matutunan na walang pagkakaiba ang bawa't tao kundi sa kanilang antas ng kabutihan. Sa ganitong patakaran, papaano matatanggap ng mga Quraish (na sila na mga pinakamarangal sa mga Arabo) ay maging pantay sa pakikitungo sa mga alipin! Hindi lamang nila tinanggihan ang Islam nang buong katigasan ng loob bagkus kanilang sinaktan pa ang Propeta Muhammad (s) at pinaratangang isang baliw, salamangkero (mahikero) at sinungaling. Maging ang kanya mga kasamahan ay dumanas ng masidhing parusa at matinding kahirapan.
Sinabi ni Abdullah b. Masood (d); “Habang ang Propeta ay nakatayong nagdarasal sa malapit sa Ka’bah, ang isa sa pangkat ng mga Quraish ay nagsabi; ‘Nakikita ba ninyo ang taong ito? Ang isa sa inyo ay kumuha at magdala ng dumi at mabahong bituka ng kamelyo mula kay ganoon at kay …ganoon, hintayin siya hanggang siya ay magpatirapa at ilagay sa pagitan ng kanyang balikat! Ang pinakamasama sa kanila ay nagkusang gawin ito. At nang nakapagpatirapa nga ang Propeta, inilagay ang mabahong bituka sa pagitan ng balikat ng Propeta, kaya nanatili ang Propeta sa kanyang pagkapatirapa. Sila ay nagtawanan nang malakas na halos mangatumba sa isa’t-isa. Sa pagkakataong iyon, may nagpunta kay Fatimah, (nawa’y kalugdan siya ng Allah) at ibinalita kung ano ang nangyari na noon ay batang maliit pa lamang. Siya ay mabilis na nagtungo sa kinaroroonan ng Propeta at inalis ang mabahong bituka sa likod niya at hinarap ang mga Quraish at kanyang isinumpa ang mga ito sa kinatatayuan nila.” (Bukhari #498)
Si Muneeb Al Azdi (d) ay nagsalaysay; ‘Nakita ko Ang Sugo ng Allah (s) sa panahon ng kamangmangan at nagsabi sa mga tao; “Sabihin ninyo na walang ibang diyos na dapat sambahin kundi ang Allah upang kayo ay magtagumpay. Sa oras na iyon, dinuraan ng mga tao ang kanyang mukha, may bumato ng putik sa kanya, at may mga taong sumumpa sa kanya hanggang abutan sila ng tanghaling-tapat. Sa pagkakataong iyon may dumating na batang anak na babae na may dalang lalagyan ng tubig at hinugasan niya ang kanyang mukha at mga kamay at sinabi sa bata; ‘O anak na babae, huwag kang matakot na ang iyong ama ay kanilang hamakin o masadlak sa kahirapan.” (Mu’jam Al-Kabeer #805)
Si Urwah b. Az-Zubair (d) ay nagsabi; “Tinanong ko si Abdullah b. Amr al-Aas (d) kung ano ang pinaka-masamang ginawa ng mga pagano kay Propeta Muhammad (s), at siya ay nagsabi; "Pinuntahan ni Uqbah b. Mu'ait ang kinaroroonan ng Propeta habang nagdarasal sa tabi ng Ka'bah at pinilipit ang kanyang damit sa leeg ng Propeta. Si Abu Bakr ay mabilis na pinuntahan ang mga ito at hinawakan ang balikat ni Uqbah, saka itinulak na nagsabi; 'Papatayin mo ba ang isang tao na nagpapahayag na ang Allah ang kanyang Rabb, (Panginoon) at ang malinaw na tanda ay dumating sa kanya mula sa inyong Rabb (Panginoon)?" (Bukhari #3643)
Ang mga pangyayaring ganito ay hindi naging daan upang tumigil ang Propeta (s) sa kanyang Da'wah (pag-anyaya sa Deen). Inanyayahan niya sa Islam ang maraming tribu na nagtungo sa Makkah upang mag-Hajj (Pilgrimage). May mga ibang tao mula sa Yathrib, na tinatawag ngayon na Madinah, ang naniwala at nagpahayag na siya ay itataguyod at tatangkilikin kung siya ay sasama sa kanila sa Madinah. Ipinasama niya si Mus'ab b. Umair (d), na siyang nagturo sa kanila tungkol sa Islam. At dahil sa kalupitang dinaranas nila mula sa mga tao sa Makkah, tinulutan sila ng ِAllah na lumikas patungong Madinah. Sila ay buong pusong tinanggap ng mga mamamayan ng Madinah at ang Madinah ang naging kabisera ng Islamikong Estado, at mula sa lugar na ito ang 'Da'wah' ay lumaganap.Ang Propeta (s) ay nanirahan doon at tinuruan ang mga tao ng pagbasa at pagdalit ng Qur'an at ng mga Batas ng Islam. Ang mga mamamayan ng Madinah ay namangha at napamahal sa ugali ng Propeta (s). Napamahal sila sa Propeta (s) nang higit sa pagmamahal nila sa kanilang sarili, sila ay nag-uunahan upang mapagsilbihan at gugulin ang lahat para sa kapakanan ng Propeta (s). Ang pamayanan ay naging malakas at ang mga tao ay masagana sa kanilang Iman (pananampalataya) at sila ay lagi nang masaya. Sa gayong kalagayan, ang mga tao ay natutong magmahal sa kapwa-tao, at ang tunay na kapatiran ay nadarama nila. Ang lahat ng tao ay pantay-pantay; ang mayayaman, ang mararangal at ang mararalita, ang puti at itim, ang Arabo at di-Arabo, lahat sila ay pantay sa harap ng Deen (relihiyon) ng Allah at walang pagkakaiba sa kanila maliban sa antas ng kabutihan. Pagkaraang natutuhan ng mga Muslim ang pamamaraan ng Da'wah (pagpapalaganap ng Islam) ng Propeta (s) at ito ay lumaganap, sila ay nakilahok sa pakikipaglaban kasama ng Propeta (s), sa unang digmaan ng Islam, at ito ay naganap sa Badr. Ang digmaan na ito ay nangyari sa pagitan ng dalawang panig na hindi magkatulad sa paghahanda at sandata. Ang bilang ng mga Muslim ay 314 samantalang ang mga pagano ay may malakas na sandatahang bilang na 1000. Subali't ibinigay ng Allah ang tagumpay sa Propeta (s) at sa kanyang mga kasamahan. Pagkatapos ng digmaan na ito, marami pang digmaan ang naganap sa pagitan ng mga Muslim at ng mga pagano. Pagkaraan ng walong taon, ang Propeta ay nakapaghanda ng hukbong sandatahan na mahigit sa 10,000 (libo) na malalakas. Sa pagkakataong ito, sila ay nagtungo sa Makkah at ito ay kanilang sinakop at sa pamamagitan nito, natalo niya ang dating mamamayan niya na nanakit at nagpahirap sa kanya at sa kanyang mga kasamahan sa bawa't paraan. Sa gayon ngang kalagayan, sila ay napilitang magtungo sa ibang bayan upang iligtas ang kanilang sarili at iniwan ang lahat ng kanilang mga ari-arian at kayamanan. At ngayon dahil sa kanilang pagpupunyagi, sila ay nagtagumpay kaya, ang taon na ito ay tinawag na 'Taon ng Tagumpay'. Ang Allah ay nagsabi; "Kapag dumating (sa iyo, O Muhammad) ang kalinga ng Allah at tagumpay, at iyong mapagmamasdan ang mga tao na magsisipasok sa Deen ng Allah (Islam) nang maramihan, kaya't ipagbunyi mo ang mga papuri ng iyong Rabb (Panginoon) at manalangin na igawad Niya ang Kanyang Kapatawaran. Katotohanan, Siya ang tumatanggap ng pagsisisi at pagpapatawad." (Qur'an, 110:1-3)
Pagkatapos, tinipon niyang lahat ang mga mamamayan ng Makkah at sinabi niya sa kanila; “Ano ang inaakala ninyong gagawin ko sa inyo?’ Sila ay sumagot; ‘(Alam namin na) ang gagawin mo lang ay ang nakakabuti; ikaw ay mabait na kapatid at mapagbigay at mapagpatawad na pamangkin! Ang Propeta ay nagsabi; ‘Humayo kayo – malaya kayo at gawin ninyo ang anumang nais ninyong gawin.” (Baihaqi #18055)
Ito ang pangunahing dahilan kung bakit ang karamihan sa kanila ay yumakap ng Islam. Pagkaraan, ang Propeta ay nagbalik sa Madinah. Mga ilang panahon pa, ang Propeta ay naglayon na magsagawa ng Hajj, kaya siya ay nagtungo sa Makkah na may kasamang 114,000 na kasamahan. Ang Hajj na ito ay tinaguriang ‘Pamamaalam na Hajj’ (Hajj’jatul-Wa’daa), sapagka't ang Propeta ay hindi muling nakapagsagawa ng Hajj at siya ay namatay na pagkaraan ng ilang araw.
Ang Propeta (s) ay namatay sa Madinah noong ika 12 ng Rabiath-thani sa ika 11 taon ng Hijrah. Siya ay inilibing sa Madinah. Ang mga Muslim ay nagulat sa kanyang pagkamatay, at ang ibang kasamahan niya ay hindi makapaniwala! Sinabi ni Umar (d), 'Sinuman ang magsabing patay na si Muhammad (s), puputulan ko ng ulo!’ Si Abu Bakr (d), ay nagbigay ng sermon at binasa niya ang talata ng Qur'an; "Si Muhammad ay hindi humigit sa isang Sugo lamang, at tunay (na maraming) mga Sugo ang nangamatay na nauna sa kanya. Kung siya man ay mamatay o masawi, kayo ba ay manunumbalik sa yapak (ng Kufr, kawalang pananampalataya)? At sinuman ang manumbalik sa kanilang mga yapak (bilang Kafirun), kahit katiting man ay walang maidudulot na pinsala sa Allah. At ang Allah ay naggagawad ng gantimpala sa mga Shaakireen (mapagpasalamat). (Qur'an 3:144)
Nang marining ni Umar (d), ang mga ayat (talata) ng Qur'an na nabanggit sa itaas, siya ay natigilan sa kanyang mga sinasabi, sapagka't siya ay maingat na tumutupad sa mga alituntunin ng Allah . Ang Propeta (s) ay namatay sa gulang na 63. Siya ay nanirahan sa Makkah ng apat napung (40) taon bilang karaniwang tao bago siya hinirang na isang Propeta (s). Pagkaraan na mahirang bilang Propeta (s), siya ay namalagi ng panibagong labing tatlong (13) taon upang mag-anyaya sa mga tao tungkol sa Kaisahan ng Allah (Tawheed). Pagkatapos siya ay lumikas patungong Madinah at nanirahan doon ng sampung (10) taon. Siya ay patuloy na nakatatanggap doon ng kapahayagan o rebelasyon, hanggang ang Qur'an at ang Deen ng Islam ay nabuo.
Si G. George Bernard Shaw ay nagbigay ng isang magandang puna at siya ay nagsabi; “Lagi kong inilalagay ang relihiyon ni Muhammad sa mataas na pagpapahalaga dahil sa kahanga-hangang tatag (at lakas) nito. Ito ang tanging relihiyon para sa akin ang nagtataglay ng malagom na kakayahan sa nagbabagong aspeto ng pamumuhay na nakagagawa ng sariling pang-akit sa bawa’t panahon. Aking pinag-aralan si Muhammad-ang kahanga-hangang tao at sa aking palagay siya ay malayo sa pagiging Anti-Kristo. Dapat siyang tawaging Tagapagligtas ng Sangkatauhan. Naniniwala ako na kung ang taong katulad niya ang gumanap na diktador sa makabagong daigdig, siya ay magtatagumpay sa paglutas ng mga suliranin sa paraang magdadala sa higit pang kailangang kapayapaan at kaligayahan. Aking hinuhulaan na ang relihiyon ni Muhammad (ang Islam) ay tatanggapin sa Europa sa darating na panahon tulad ng pagtanggap ng Europa sa ngayon."(Encyclopedia of Seerah, for Afzalur Rahman.)
-
The Description of the Prophet (s)
Ang Sugo ng Allah (s) ay isang kahanga-hangang tao, na pinararangalan ng bawa't taong makakita sa kanya . Ang kanyang mukha ay maliwanag na tulad ng kabilugan ng buwan. Siya ay may katamtamang taas, hindi lubhang mataas at hindi rin naman maliit. Ang kanyang ulo at noo ay bahagyang malaki at ang buhok ay bahagyang kulot at hindi hinahayaang humaba nang lagpas sa kanyang tainga sa anumang panahon. Ang kanyang kutis ay namumulang rosas. Ang kanyang mga kilay ay likas na maayos at hindi magkarugtong. Mayroong ugat sa gitna ng kanyang mga kilay na lumilitaw kapag siya ay nagagalit. Ang kanyang ilong ay matangos at may nakabibighaning kislap at bahagyang mataas ang pinakatulay nito. Siya ay may bigote at may balbas na makapal at ang mga pisngi ay malambot. Ang bibig ay bahagyang malaki at ang mga ngipin ay may konting siwang sa gitna ng bawa't isa. Ang kanyang batok ay tulad ng isang manika sa kaputian. Ang katawan ay katamtaman sa laki at siya ay malakas. Ang kanyang dibdib at tiyan ay magkapantay sa sukat. Ang mga hugpong ng kanyang katawan ay malalaki. Ang kanyang balat ay maputi. May buhok siya mula sa buto ng kanyang dibdib hanggang sa puson. Wala siyang balahibo sa dibdib nguni't mabalahibo ang kanyang mga kamay at balikat. Malaki ang kanyang kamao at ang kanyang mga palad. Ang kanyang mga kamay at mga paa ay bahagyang maikli at ang kanyang mga daliri ay katamtaman ang mga haba. Ang kanyang mga paa ay pantay at makinis at dahil sa kakinisan hindi naiipon ang tubig sa mga ito. Mahahaba ang kanyang mga hakbang nguni't magandang kumilos, itataas niya ang kanyang mga paa at hindi kinakaladkad. Kung siya ay lumingon, lahat ng kanyang katawan ay isinasama sa paglingon (na salungat sa isang taong hindi magandang tumindig na ang leeg at ulo lang ang inililingon). Ibinababa ang kanyang tingin sa lahat ng oras at mas madalas siyang tumingin sa ibaba kaysa sa pagtingin niya sa langit. Kadalasan na siya ay susulyap lamang sa mga bagay (kaysa tumitig nang maigi na hindi nararapat). Siya ay laging nauunang bumabati bago siya babatiin ng iba.
May nagtanong kay Hind, "Paano ang paraan ng kanyang pagsasalita ?’ Si Hind ay nagsabi ; ‘Ang Propeta (s) ay mukhang malungkot lagi, dahil sa kanyang pag-iisip nang malalim. Hindi siya nagpapahinga ng lubos at hindi magsasalita kung hindi kinakailangan. Kapag siya ay nagsasalita, ang una at katapusan ng kanyang pagsasalita ay ‘sa Ngalan ng Allah’. Maliwanag siyang magsalita at makahulugan, maikli at tamang pangungusap lamang. Ang kanyang mga salita ay matibay at walang makababakli sa mga ito. Siya ay napakabait at mapagmahal. Hindi pa siya nanghamak at nang-alipusta ng ibang tao. Siya ay mapagpasalamat sa lahat ng anumang ipinagkakaloob na biyaya sa kanya ng Allah, kahiman ito ay napakaliit na bagay, at hindi minamaliit ang anuman. Hindi namintas ng anumang pagkain na tinikman niya at hindi rin naman labis ang pagpuri. Kailanman ay hindi pa siya nanlumo o nabalisa sa makamundong bagay. Siya ay nagagalit nang husto kung may isang taong hinahamak. At hindi nawawala ang kanyang galit hanggang hindi naibabalik ang karapatan ng taong hinamak. Nguni't hindi siya nagagalit kung siya ang hinahamak at hindi siya naghihiganti. Kung siya ay nakaturo, lahat ng kanyang kamay ay buong-buo na nakaturo ; at kung siya ay nabibigla, ang kanyang kamay ay gumagalaw. Kung ang Propeta (s) ay nagsasalita, hahaplusin niyang bahagya ng kanyang kaliwang hintuturo ang kanyang kanang palad. Kung siya ay galit, ibabaling niya ang kanyang mukha at kung siya ay nasisiyahan, ibababa niya ang kanyang paningin. Ang lahat ng kanyang pagtawa ay idinadaan sa pagngiti. At kung siya ay ngumingiti, lumilitaw ang kanyang mga ngipin na tila perlas ng ulang-yelo."
Si Al-Hasan (d) ay nagsabi : "Matagal kong hindi inilarawan kay Al-Husain (d) (ang Propeta), subali't naitanong na niya sa kanyang ama na si Ali (d) ang tungkol dito’. Si Al Husain (d) ay nagsabi; ‘Tinanong ko ang aking ama kung paano pumasok ang Propeta (s) sa kanyang pamilya, at kung papaano sila iniiwan at ano ang kanyang pag-uugali sa kabuuan.’ Dagdag pa ni Al-Husain (d); ‘Tinanong ko rin ang aking ama kung paano ginugugol ng Propeta (s) ang kanyang panahon sa kanilang pamamahay at kung papaano niya hinahati-hati ang kanyang oras.’ Ang kanyang ama ay sumagot ; ‘Hinahati niya ang kanyang panahon sa tatlong bahagi ; ang unang bahagi ay para sa paglilingkod sa Allah , ang iba ay para sa kanyang pamilya at ang pangatlong bahagi ay hinahati niya para sa kanyang sarili at sa mga tao. Hindi siya naglilihim o nagtatago ng anumang pangaral at pamamatnubay mula sa kanila. Gugugulin niya ang panahon na iniukol niya para sa Ummah sa pagbibigay ng mga bagay ng kailangan ng mga tao sang-ayon sa katayuan nila sa pananampalataya. Ginagawa niyang abala ang mga tao sa pagtuturo sa kanila ng bagay na ikabubuti nila at para sa pamayanan at sinasabi niya ang nararapat sa kanila. At sasabihin sa kanila ; ‘Kung sinuman ang narito ngayon dapat nilang iparating (kung anuman ang kanilang natutuhan) sa mga wala rito o ang mga lumiban, at ipaalam sa akin kung ano ang mga pangangailangan ng mga hindi nakadalo sa ating pagtitipon, dahil ; ‘Sinuman ang nagparating sa kinauukulan ng kalagayan ng isang tao, pagtitibayin siya ng Allah sa tulay (na nasa ibabaw ng Impiyerno) sa Araw ng Pagbabangong-Muli."
Isinalaysay pa ni Al-Husain ; "Tinanong ko ang aking ama tungkol sa kaugalian ng Propeta (s) sa labas ng kanyang pamamahay?' Sinabi niya; 'Iniingatan niya ang kanyang dila (sa mga walang kubuluhang pananalita) at nagbibigay ng tapat na payo at magagandang pananalita upang mapakinabangan at mapagkaisa ang mga tao. Binibigyan niya ng karangalan ang mga taong mapagbigay, mababait at ang mga mararangal sa lipon ng mga tao at binibigyan niya ng tungkulin ang bawa't isa sa kanilang samahan. Nagbibigay ng paalala sa gawaing masama at iniingatan ang sarili mula sa mga ito, bagaman hindi niya ipinakikita sa kanyang mukha ang magkunot-noo sa mga tao. Tinatanong niya ang kapakanan at kalagayan ng mga tao at inuutusan sila sa gawain kabutihan at pinagbabawalan sa gawaing kasamaan. Siya ay mahinahon sa lahat ng kanyang mga gawain. Hindi niya pinalalampas ang pagkakataon sa pagpapaala-ala sa kanyang mga kasamahan at nagbibigay ng matapat na pangaral. Siya ay laging handa sa lahat ng mga suliranin at ipinagtatanggol niya ang katotohanan at siya ay maayos at hindi nagpapabaya. Ang mga taong laging malapit sa kanya ay yaong pinakamabuti sa kanilang pamayanan. Ang pinakamabuting kasamahan ay siyang nag-aalay at naghahandog ng mga magagandang payo. At ang pinakamataas na katayuan sa kanyang mga kasamahan ay ang laging tumutulong at umaalalay sa kanya sa pinakamabuting paraan."
Karagdagan pa rito, si Al-Husain ay nagsabi; "Tinanong ko din ang aking ama kung paano makihalubilo ang Propeta (s) sa kanyang pakikipag-usap (sa mga tao), at sinabi sa akin; "Ang Sugo ng Allah (s) ay hindi mauupo at hindi tatayo kung hindi binabanggit ang Ngalan ng Allah. Ipinagbabawal niyang magtalaga ang sinumang tao ng alinmang lugar na ituturing nito bilang sarili niyang lugar. Siya ay mauupo kung saan siya makatagpo ng lugar na maaari niyang upuan. At ganoon din ang kanyang payo sa iba, sa pagpasok sa isang pagtitipon. Ibinabahagi niya ng pantay ang kanyang oras para sa kanyang mga kasamahan. Sinuman ang nakaupong malapit sa Propeta (s) ay mag-aakalang ito ang pinakamahalaga at pinakamamahal ng Propeta. Kung mayroong taong lumapit at humingi ng tulong sa kanya, hindi niya paaalisin ito kaagad, subali't hahayaan niyang matapos ang kanyang kahilingan at hihintayin niyang umalis nang sariling kusa. At hindi hinahayaan ng Propeta (s) na umalis ang isang nangangailangan na walang dala-dalang pauwi, at bibigyan niya ng magandang pananalita kung sakali’t hindi naibigay ang kahilingan nito. May bukas na puso at bukas na kamay ang Propeta (s). Siya ay itinuturing na mabait at mapagmahal na ama ng bawa't isa ; lahat ng tao ay pantay-pantay sa kanya. Ang kanyang pakikipag-ugnayan ay ugnayang nauukol sa kaalaman, pagtitiyaga, pagpapaumanhin, kababaang-loob at ng pagtitiwala. Walang sinuman ang magtataas ng tinig sa harap ng Propeta (s). Walang magsasalitang masama at laban sa ibang kasama sa harap ng Propeta (s). Ang lahat ng mga kasamahan niya sa pagtitipon ay pinakikitunguhan nang may pagpapakumbaba sa bawa't isa, iginagalang nila ang mga matatanda at mababait sila sa mga kabataan at ganoon din ang paggalang sa mga taong dumadalaw na hindi niya kakilala."
Sinabi pa ni Al-Husain , "Tinanong ko ang aking ama tungkol sa pag-uugali ng Propeta (s) sa kanyang pakikipag-usap at pakikihalubilo sa mga tao, at sinabi sa akin ; Ang Sugo ng Allah (s) ay laging masayahin. Siya ay pinakamabait at mapagmahal. Hindi naging magaspang ang pag-uugali kailanman. Hindi pa siya nagtaas ng tinig (o nanigaw) sa publiko o gumamit ng masamang salita. Hindi pa siya nagsalita ng laban sa kahit kaninuman sa talikuran. Hindi siya pumupuri ng labis. Hindi pa siya nanghiya ng sinuman. Siya ay umiwas sa tatlong bagay ; ang pakikipagtalo, labis na pagsasalita at hindi nakikialam sa bagay na walang halaga para sa kanya. Iniiwasan din niya ang tatlong bagay ; hindi pa nagsalita ng masama laban sa sinuman, hindi pa siya nanlibak o nangutya ng sinuman at hindi siya nagsasalita ng panunumbat sa harap ng sinuman o kaya ay namintas ng sinuman. Siya ay nagsasalita lamang nang may hangaring mabigyan siya ng pagpapala ng Allah. Kapag siya ay magsalita, ang kanyang mga kasamahan ay nakababa ang paningin sa dakong ibaba (ng lupa) (bilang paggalang at pakikinig) na tila ang ibon ay lumapag sa kanilang mga ulo. Kung Ang Sugo ng Allah (s) ay huminto sa pagsasalita, doon pa lamang magsisimulang magsalita ang kanyang mga kasamahan. Hindi sila nagtatalo sa harap niya. Kung ang isang kasamahan ay magsalita ang lahat ay makikinig hanggang hindi matatapos ang kanyang sinasabi. Ang mga naunang kasamahan ng Sugo ng Allah ang siyang may lakas ng loob na magsalita sa harap ng Propeta (s)." Ang Sugo ng Allah (s) ay nagpakita ng lubhang pagtitiis kapag siya ay nakinig sa isang dayuhan na nahihirapang bumigkas ng salita. Hindi siya magtatanong sa nagsasalita hanggang hindi natatapos ang pananalita nito. Katotohanan, inuutusan niya ang kanyang mga kasamahan na tulungan ang tao na humihingi ng tulong. Hindi niya aabalahin o patitigilin ang isang nagsasalita hanggang hindi ito mismo ang huminto sa pagsasalita o kaya ay tumatayo upang umaalis." (Baihaqi)