Ang Ilan sa Mga Magagandang Ugali at Katangian ng Propeta
-
Ang Matatag na Kaisipan:
Ang Sugo ng Allah (s) ay nagtataglay na isang napakahusay, ganap at matatag na kaisipan. Kailanman ay walang taong nagkaroon ng matatag na kaisipan, tulad ng kanyang angking kaisipan. Si Qadhi Iyaadh nawa'y kalugdan siya ng Allah ay nagsabi:
'Ito ay nagiging malinaw para sa isang tao na kapag ang isang mananaliksik ay nagbabasa ng talumbuhay ng Propeta at nauunawaan ang kanyang mga gawa at ang kanyang makahulugan at malawak na mga salita at pahayag, ang kanyang ugali at asal, at kanyang moral na kilos, ang kanyang malawak na kaalaman tungkol sa Torah ni Moises at Injeel ni Hesus at sa ibang Banal na Kasulatan at ang kanyang kaalaman sa mga pananalita ng mga matatalino, at ang kaalaman sa mga kasaysayan ng mga nagdaang kabihasnan ng mga bansa at ang kanyang kakayahang magpakita ng huwaran at halimbawa at magtakda ng mga pamamaraan at kakayahang magtuwid ng mga galaw ng damdamin.Siya ang huwaran at halimbawa na siyang iniuugnay ng kanyang mga mamamayan sa lahat ng sangay ng karunungan; mga gawang pagsamba, sa larangan ng panggagamot, batas ng pamana, angkan, at maging sa iba pang paksa. Nababatid niya at natutuhan ang lahat ng mga ito na hindi nagbabasa o sumusuri sa mga Banal Na Kasulatan ng mga naunang lahi at hindi nakisalamuha sa mga iskolar. Si Propeta Muhammad ay hindi marunong bumasa at sumulat at wala siyang pormal na pag-aaral at walang kaalaman sa mga nabanggit sa itaas noong mga panahong yaon bago siya itinakda bilang Sugo at Propeta ng Allah. Ang Propeta Muhammad (s) ay matalino sa ganap na kakayahan ng pangkaisipan. Ang Dakilang Allah ay nagpahayag sa kanya ng ilan sa mga pangyayaring naganap sa nagdaang panahon at mga pangyayaring magaganap sa darating na panahon. Ito ang palatandaan na ang Kapangyarihan at Kautusan ay pag-aari ng Allah, at Siya ang nakapangyayari at may kakayahan sa lahat ng bagay.' ( Qadhi Eiyadh, ‘Al-Shifa bita’reefi Hoquooqil-Mostafa’,)
-
Ang Mga Gawain Bilang Paglilingkod sa Allah:
Ang Propeta (s) ay laging gumagawa ng mga kabutihan upang hanapin ang lugod at kasiyahan ng Dakilang Allah. Sa kabila ng mga pang-aalipusta at pang-aabuso na kanyang naranasan nang siya ay mag-anyaya at manawagan sa mga tao tungo sa Islam (ang relihiyon ng Pagsamba sa Nag-iisang Diyos) siya ay lubhang matiisin at pinasan niya nang buong katatagan ang lahat ng pasakit na ginawa sa kanya, at umasa para sa gantimpalang ipagkakaloob sa kanya ng Dakilang Allah. Si Abdullah b. Masood, ay nagsabi: 'Ito ay wari bang ako ay nakasulyap sa Propeta habang nagsasalaysay tungkol sa isang Propeta na sinaktan ng kanyang mga mamamayan. (Nakita kong) Hinaplos niya ang tumutulong dugo sa kanyang mukha at nagsabi: 'O Allah! Patawarin Mo ang aking mga mamamayan, sapagka't hindi nila nababatid!' (Bukhari #3290)
Si Jundub b. Sufyaan, ay nagsabi na ang daliri ng Sugo ng Allah (s) ay nagdurugo sa isang pangyayari noong panahon ng isa sa mga digmaan, at siya ay nagsabi (tungkol sa kanyang daliring nagdurugo): "Ikaw ay isa lamang daliring nagdurugo na dumanas ng hapdi at sakit nang dahil sa (pagkikipaglaban at pagtataguyod sa) Landas ng Allah." (Bukhari #2648)
-
Ang Katapatan:
Ang Propeta (s) ay tapat sa lahat ng kanyang mga gawain, tulad ng tagubilin at pag-uutos sa kanya ng Allah. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:"Sabihin mo (O Muhammad) Katotohanan, ang aking As-Salaah (pagdarasal), ang aking pag-aalay, ang aking pamumuhay at ang aking kamatayan ay (nakalaan) para sa Allah lamang, ang Rabbil Alamin (Panginoon ng lahat ng mga nilikha). Siya (ang Allah) ay walang katambal. At nang dahil dito, ako ay napag-utusan, at ako ay nangunguna sa pagiging Muslim (pagtalima at pagsuko sa Kalooban ng Allah." [Qur'an 6:162-163]
-
Good Morals, Ethics and Companionship:
Ang Kagandahang Asal, at Mabuting Pakikitungo: Ang tagapagsalaysay ay nagsabi; 'Ako ay nagtanong kay A'ishah, nawa'y kalugdan siya ng Allah), na ipagbigay-alam sa akin ang tungkol sa pag-uugali ng Propeta, at siya ay nagsabi:
"Ang kanyang pag-uugali ay ang Qur'an."Ito ay nagpapatunay at nangangahulugan na ang Propeta (s) ay sumusunod sa batas at kautusan ng Qur'an at umiiwas mula sa mga pagbabawal nito. Tinutupad niya nang buong katapatan ang mga mabubuting gawain na binanggit dito. Ang Propeta Muhammad (s) ay nagsabi: "Ako ay isinugo ng Allah upang bigyang kaganapan ang kagandahang-asal at upang gumawa ng mga gawaing mabuti." (Bukhari at Ahmed)
Ang Dakilang Allah ay naglarawan kay Propeta Muhammad (s) at nagsabing: "At katotohanan, ikaw (O Muhammad) ay nasa ipinagkakapuring antas (huwaran) ng kagandahang-asal (at ugali)." [Qur'an 68:4]
Si Anas b. Malik, na isang alipin ng Propeta (s) ay naglingkod sa kanya sa loob ng sampung taon; sa araw-araw, sa panahon ng mga paglalakbay ng Propeta at nang siya ay manirahan sa lungsod ng Madinah. Sa buong panahong ito, nabatid niya ang tunay na ugali at asal ng Propeta. Sinabi niya: 'Ang Propeta (s) ay hindi sumumpa kahit kaninuman, ni hindi siya naging malupit, ni hindi niya sinusumpa ang sinuman. Kapag sinisisi niya ang sinuman, siya ay magsasabi lamang ng: 'Anong nangyayari sa kanya, nawa'y ang alikabok ay itapon sa kanyang mukha.' (Bukhari #5684)
-
Ang Pagiging Magalang at Mabait:
Si Sahl b. Sa'd, ay nag-ulat: "Isang inumin ang dinala sa Propeta (s) at siya ay uminom mula rito. Sa kanyang gawing kanang ay may isang batang lalaki at sa kanyang gawing kaliwa ay naroroon ang pangkat ng mga matatandang lalaki. Tinanong niya ang batang lalaki: 'Pahihintulutan mo ba kung ibibigay ko ang inumin sa kanila?' Ang batang lalaki ay nagsabi:'O Propeta ng Allah! Sa Ngalan ng Allah! Hindi ko nais ang sinuman na uminom mula sa lugar na pinag-inuman mo. Ito ay aking bahagi (karapatan) [nang dahil sa pagkakaupo ko sa iyong kanan].’ Magkagayon, ipinagkaloob ng Sugo ng Allah sa batang lalaki ang inumin." (Bukhari #2319)
-
Ang Pagmamahal Para sa Pagbabago at Pagtataguyod ng Magandang Ugnayan:
Si Sahl b. Sa'd, ay nagsabi na ang mga mamamayan ng Qubaa' ay nag-aaway sa isa't isa at nagbabalibagan ng mga bato sa bawa't isa. Ang Propeta (s) ay nagsabi: "Halina at humayong ayusin ang pangyayari at gumawa ng kapayapaan sa pagitan nila."
(Bukhari #2547) -
Ang Panghihikayat sa Kabutihan at Pagbabawal sa Kasamaan:
Si Abdullah b. Abbas, ay nagsabi: Nakita ng Sugo ng Allah ang isang lalaki na may suot na singsing na ginto, kaya nilapitan niya, inalis ito at kanyang itinapon. Pagkaraan, siya ay nagsabi na: 'Nais ba ng isa sa inyo na humanap ng isang nagliliyab na uling at ilagay ito sa kanyang kamay?!' Nang ang Propeta ay lumisan, ang lalaki ay pinagsabihan ng isa: "Bakit hindi mo kuning muli ang iyong singsing! Pakinabangan mo ito [o ipagbili mo ito].' Ang lalaki ay sumagot: 'Hindi, sa Ngalan ng Allah! Hindi ko kailanman magagawang pulutin iyon (ang singsing) pagkaraang itapon ng Sugo ng Allah." (Muslim #2090)
-
Ang Pagmamahal sa Kalinisan:
Si Muhaajir b. Qunfudth, ay nag-ulat na kanyang nadaanan ang Propeta (s) habang ito ay umiihi; binati niya ng Salaam, nguni't ang Propeta (s) ay hindi nagbalik ng pagbati hanggang siya ay naglinis (Wudoo) at humingi ng paumanhin na nagsabing: 'Hindi ko nais na banggitin ang Ngalan ng Allah habang ako ay wala sa kalagayan ng kalinisan.' (Ibn Khuzaimah #206)
-
Ang Pangangalaga at Pag-iingat sa Kanyang Pananalita:
Si Abdullah b. Abi O'faa, ay nagsabi na; ‘ Ang Sugo ng Allah (s) ay laging masigasig sa pag-aalala sa Allah () at siya ay hindi nagsasalita nang walang kabuluhan. Pinahahaba niya ang kanyang pagdarasal at pinaiikli ang kanyang mga sermon, at hindi siya nagkakait upang tumulong at pinangangalagaan niya ang pangangailangan ng mga mararalita, kapus-palad at balo.’ (Ibn Hib’ban #6423)
-
10. Ang Pagiging Masigasig sa Mga Gawaing Nauukol sa Pagsamba:
Si A'ishah (kalugdan nawa siya ng Allah) ay nagsabi na Ang Sugo ng Allah (s) ay laging nagdarasal sa gabi hanggang ang kanyang mga paa ay mamaga. Si A'ishah, ay nagsabi: 'Bakit kailangang gawin mo ito, O Sugo ng Allah, samantalang ang iyong mga nakaraan at susunod pang mga kasalanan ay napatawad na ng Allah?' Ang Propeta (s) ay nagsabi: 'Hindi ba ako dapat na maging mapagpasalamat na alipin (ng Allah)?' (Bukhari #4557)
-
Ang Katatagan at Kabaitan:
Si Abu Hurairah , ay nagsabi na si At-Tufail b. Amr ad-Dawsi at ang kanyang mga kasamahan ay nagtungo kay Propeta Muhammad (s). Sila ay nagsabi: 'O Sugo ng Allah, ang tribu ng Daws ay tumangging yumakap sa Islam, kaya ikaw ay manalangin sa Allah laban sa kanila. May nagsabi: ‘ang tribu ng Daws ay napariwara at nawasak!’ Itinaas ng Sugo ng Allah ang kanyang kamay at nagsabi: 'O Allah! patnubayan Mo ang tribu ng Daws at dalhin sila (sa Islam)!'
-
Ang Kaaya-ayang Anyo:
Si Al-Baraa' b. Aazib ay nagsabi: 'Ang Propeta (s) ay isang taong taglay ang katamtamang taas. Ang kanyang mga balikat ay malalapad. Ang kanyang buhok ay abot hanggang tainga. Minsan, siya ay aking nakitang nakasuot ng kulay pulang damit; kailanman ay wala pa akong nakitang bagay na higit na maganda kaysa sa kanya.' (Bukhari #2358)
-
Ang Kawalan ng Interes Tungkol sa Makamundong Bagay:
Si Abdullah b. Masood (d) ay nagsabi: 'Ang Sugo ng Allah ay natulog sa banig (na yari sa balat ng palmera). Siya ay tumayo at may mga bakas sa kanyang mga tagiliran (sanhi ng katigasan ng banig na kanyang hinihigan). Kami ay nagsabi: 'O Sugo ng Allah, dapat ba kaming gumawa ng higaan para sa iyo?' Siya ay sumagot: 'Ano ba ang maaari kong gawin sa mundong ito? Ako ay katulad lamang ng isang naglalakbay na sumakay sa isang hayop, pagkaraan, ay huminto sandali upang sumilong at mamahinga sa ilalim ng punongkahoy, at pagkaraan ito ay nilisan at muling nagpatuloy sa paglalakbay.' (Tirmidthi #2377)
Si Amr' b. al-Haarith (d) ay nagsabi na: "Ang Sugo ng Allah ay hindi nag-iwan ng isang Dirham or Dinar, o kaya maging isang alipin lalaki o babae nang siya ay pumanaw. Ang iniwan lamang niya ay isang puting mola, ang kanyang sandalyas at kapirasong lupa na kanyang inihabilin bilang Sadaqah (kawanggawa).' (Bukhari #2588)
-
Ang Pagmamahal sa Kapwa:
Si Sahl b. Sa'd, ay nagsabi:
'May isang babae ang nagbigay sa Sugo ng Allah ng isang Burdah. Ang Propeta (s) ay nagtanong sa kanyang mga kasamahan: 'Alam ba ninyo kung ano ang Burdah?' Sila ay sumagot, 'Opo, O Propeta ng Allah! Ito ay isang kapirasong hinabing tela [na tulad ng balabal]. Ang babae ay sumagot: 'O Propeta ng Allah! Aking hinabi itong balabal na ito mula sa aking sariling mga kamay para ito ay iyong maisuot.' Kaya, ito ay kinuha ng Sugo ng Allah sapagka't ito ay sadyang kailangan niya. Nang ilang sandali pa, ang Sugo ng Allah ay lumabas mula sa kanyang tahanan na nakasuot ito sa kanya, at ang isang kasamahan niya ay nagsabi sa kanya: 'O Propeta ng Allah! Ipagkaloob mo sa akin ang balabal na iyan para isuot ko!' Ang Sugo ng Allah ay nagsabi 'Oo.' Siya ay umupo nang sandali, at nagtungong pabalik sa kanyang tahanan, itinupi niya ito at ibinigay sa taong humiling nito. Pinagsabihan ng mga ibang kasamahan ang taong ito at nagsabing: 'Hindi nararapat sa iyo na hingin mo ang kanyang balabal lalo na kung nalalaman mo na hindi niya tinatanggihan ang sinuman o hindi niya pinaalis ang sinuman na walang dala! Ang lalaki ay sumagot: 'Sa Ngalan ng Allah! Hiningi ko lamang ito sa kanya sapagka't nais kong (ang balabal na) ito ang ibalot sa akin kapag ako ay namatay.' Si Sahl, ang tagapagsalaysay ng Hadith na ito ay nagsabi: 'Ang balabal na ito ay siyang ginamit bilang damit para sa taong iyon nang siya ay namatay .' (Bukhari #1987) -
Ang Matibay na Pananampalataya at Pagtitiwala sa Allah:
Ito ay nangyari nang sila ay hinahabol ng mga pagano upang kanilang madakip Ang Sugo ng Allah (s). Sila ay nagtago sa yungib. Si Abu Bakr (d) ay nagsabi : ‘Ako ay nakatingin sa mga paa ng mga pagano habang kami ay nasa yungib (ng Thawr]. Ako ay nagsabi, ‘'O Propeta ng Allah! Sinuman sa kanila ang tumingin sa ibaba ng kanilang mga paa ay katiyakang tayo ay kanilang makikita!’ Ang Sugo ng Allah (s) ay nagsabi: ‘O Abu Bakr! Ano ang palagay mong (mangyayari) sa dalawa na ang ikatlo sa kanila ay ang Dakilang Allah?’ (Muslim #1854)
-
Ang Mahabagin:
Si Abu Qatadah, (d) ay nagsabi:
' Ang Sugo ng Allah (s) ay nagsagawa ng Salaah (pagdarasal) habang kilik-kilik niya ang isang batang babae na ang pangalan ay Umaamah, ang anak na babae ni Abul-Aas. Kapag siya ay yumuko, inilalagay niya ito sa lapag, at kapag siya ay tumayo, kinikilik niyang muli ito.' (Bukhari #5650) -
Ang Mga Bagay na Ginawang Madali at Magaan:
Si Anas, (d) ay nagsabi na Ang Sugo ng Allah (s) ay nagsabi: 'Ako ay nagsimulang magdasal nang may layuning pahabain ito, nguni't nang marinig ko ang iyak ng isang bata, aking ginawang maikli ang pagdarasal sapagka't nalalaman ko na ang ina ng batang iyon ay mahihirapan mula sa kanyang mga pag-iyak!’
(Bukhari #677) -
Ang Takot sa Allah, Pagiging Maingat sa Paglabag ng Kanyang mga Hangganan at Debosyon:
Si Abu Hurairah, (d) ay nagsabi na ang Sugo ng Allah (s) ay nagsabi: ‘Minsan, nang ako ay bumalik sa aking mag-anak, ako ay nakakita ng isang butil ng (bunga ng) datiles sa aking higaan. Akin sanang pupulutin ito upang kainin; nguni't ako ay nangangamba na baka ito ay mula sa kawanggawa, kaya, ito ay muli kong inihagis na pabalik [sa lupa].’ (Bukhari #2300)
-
Ang Paggugol Nang Lubusan:
Si Anas bin Malik (d) ay nagsabi:
'Kailanman, ang Sugo ng Allah ay hindi hinihingan ng anumang bagay kapag ang isang tao ay yumakap sa Islam, maliban na siya (ang taong ito) ay kanyang pagkakalooban ng anumang hiniling nito. Isang lalaki ang lumapit kay Propeta Muhammad at binigyan niya ito ng isang kawan ng tupa na nanginginain sa pagitan ng dalawang bundok. At ang lalaki ay bumalik sa kanyang mga mamamayan at nagbalita: 'O aking mamamayan, tinanggap ko ang Islam! Binigyan ako ni (Propeta) Muhammad nang labis-labis, (siya ay) katulad ng isang taong walang takot sa kahirapan .' (Muslim #2312) -
Ang Pakikipagtulungan:
Si A’ishah (kalugdan nawa siya ng Allah) ay nagsabi na, minsan siya ay tinanong tungkol sa pag-uugali ng Propeta (s) sa kanyang pamilya. Siya ay nagsabi: 'Siya ay tumutulong sa miyembro ng kanyang pamilya sa mga gawaing bahay; nguni't kapag ang tawag ng Salaah ay kanyang marinig, siya ay aalis upang magdasal.'
Si Al-Baraa bin ‘Azib (d) ay nagsabi:
‘Nakita ko ang Sugo ng Allah sa Araw ng Digmaan sa Kanal (Trench) na may dalang marumi (na galing sa hinukay) hanggang ang dumi ay kumalat sa kanyang dibdib. Siya ay hindi gaanong mabalahibo. Narinig ko siyang nagsasabi ng ilang kataga mula sa tula ni Abdullah b. Rawaahah: 'O Allah! Kung hindi lamang sa Iyo, kami ay hindi mapapatnubayan, ni hindi magsasagawa ng pagdarasal o magbibigay ng kawanggawa. O Allah! Tulutan Mong ang katiwasayan ay bumaba sa amin, at gawin kaming matatag sa pakikipagharap sa aming mga kaaway. Katotohanan, na sila ay lumabag laban sa amin! At kung sila ay nagnanais para sa kapahamakan, ito ay aming tinututulan at ito ay tinatanggihan! Itinaas niya ang kanyang tinig habang sinasabi ang mga katagang ito ng tula.' (Bukhari #2780) -
Ang Makatotohanan:
Si A'ishah (kalugdan nawa siya ng Allah) ay nagsabi na: 'Ang masamang ugali at katangian na lubhang kinamumuhian ng Propeta (s) ay ang pagsisinunaling. Ang isang taong nagsisinungaling sa harap ng Propeta (s) ay kanyang pangangaralan laban dito hanggang ito ay kanyang mabatid na ito ay nagsisi.' (Tirmidthi #1973)
Maging ang kanyang mga kaaway ay nagpapatunay sa kanyang pagiging makatotohanan. Si Abu Jahl, ay isa sa kanyang mahigpit na kaaway ay nagsabi: ‘O Muhammad! Hindi ko sinasabi na ikaw ay sinungaling! Itinatakwil ko lamang ang anumang dinala mong (mensahe) at kung ano ang iyong ipinag-aanyaya sa mga tao.’ Ang Dakilang Allah ay nagsabi: "Aming nababatid (O Muhammad) ang kalungkutang dulot ng kanilang mga (masasamang) pananalita laban sa iyo, (nguni't) hindi ikaw ang kanilang itinatakwil, kundi ang mga talata (ng Qur'an) ng Allah ang itinatakwil ng mga Zalimun (mga taong mapaggawa ng kamalian)." [Qur'an 6:33]
-
Ginagawang Magaan ang Mga Itinakdang Hangganang Kautusan ng Allah:
Si A'ishah (nawa'y kalugdan siya ng Allah), ay nagsabi:'Kung ang Propeta ay binigyan ng karapatang pumili sa pagitan ng dalawang bagay, kanyang pinipili ang pinakamadali (pinakamagaan) sa dalawa hanggang ito ay hindi isang gawaing makasalanan. Kung ito ay isang makasalanang gawain, katiyakang siya ang pinakamalayo mula sa gawaing ito. Sa Ngalan ng Allah! Hindi siya naghihiganti para sa kanyang sarili. Siya ay nagagalit lamang kapag ang mga tao ay lumalabag sa hangganang kautusan na itinakda ng Allah; sa gayong kalagayan, siya ay nagpapataw ng ganti (para ipagtanggol ang karapatan ng Allah).' (Bukhari #6404)
-
Ang Kanyang Maamo at Kaaya-ayang Ngiti sa Mukha:
Si Abdullah bin al-Harith (d) ay nagsabi:‘Kailanman ay wala pa akong nakitang taong higit kaysa sa Sugo ng Allah kapag siya ay nakangiti.' (Tirmidthi #2641)
-
Ang Kanyang Katapatan at Katapatang-loob:
Ang Propeta (s) ay kilala sa kanyang katangian ng pagiging matapat. Bagaman ang mga pagano ng Makkah ay hayagang tumutuligsa sa kanya, sila ay naglalagak ng kanilang ari-arian bilang lubos na pagtitiwala sa kanya. Ang kanyang katapatan at katapatang-loob ay nasubukan nang ang mga pagano ng Makkah ay umabuso sa kanya. Maging ang kanyang mga kasamahan ay kanilang sinaktan at kanilang itinaboy mula sa kanilang mga sariling pamamahay. Inutusan niya ang kanyang pinsang si Ali b. Abi Talib (d), na ipagpaliban ang kanyang paglikas (Hijrah) ng tatlong araw upang maisauli lamang sa mga tao ang kanilang ipinagkatiwalang ari-arian sa kanya. Sa kabila ng ganitong gipit na pagkakataon at mapanganib na kalagayan, nagawa pa rin niyang tuparin ang tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng mga tao.
Ang isa pang halimbawa ng kanyang katangian ng pagiging matapat at katapatang-loob ay ipinakita niya sa Kasunduan ng Hudaibiyah, na kung saan siya ay sumang-ayon sa isang saligan ng kasunduan na nagsasabi na sinumang tao na umiwan sa Propeta (s) ay hindi maaaring ibalik sa kanya, at sinumang tao na umalis sa Makkah ay ibabalik sa kanila. Bago pa man nilagdaan ang kasunduan ng Hudaibiyah, isang lalaki na ang ngalan ay Jandal b. Amr (d) ay nagawang tumakas mula sa kamay ng mga pagano ng Makkah at nagmamadaling umanib kay Propeta Muhammad (s). Hiniling ng mga pagano kay Propeta Muhammad (s) na kilalanin nito ang kasunduan at ibalik ang lalaking tumakas mula sa kanila. Ang Sugo ng Allah (s) ay nagsabi: 'O Abu Jandal! Maging matiisin ka at magsumamo sa Allah na ikaw ay pagkalooban Niya ng ibayong pagtitiis. Katiyakan na ikaw ay tutulungan ng Allah at maging yaong mga taong inusig at nawa'y gawing madali ito para sa iyo. Tayo ay lumagda sa isang kasunduan sa kanila, at katiyakan na hindi natin tinatalikdan o nagtatalu-sira (sa kasunduan).' (Baihaquee #18611)
-
Ang Katapangan at Kagitingan:
Si Ali (d) ay nagsabi:‘Nakita mo sana ako sa Araw ng (Digmaan ng) Badr! Kami ay humingi ng saklolo sa Sugo ng Allah. Sa aming lahat, siya ang pinakamalapit sa mga kaaway. Sa araw na yaon, ang Sugo ng Allah ang siyang pinakamalakas sa amin.’ (Ahmed #654)
Tungkol sa kanyang kagitingan at katapangan sa mga karaniwang pangyayari, si Anas b. Malik (d) ay nagsalaysay:'Ang Sugo ng Allah ay siyang pinakamatapang at ang pinakamagiting sa lahat. Isang gabi, ang mga mamamayan ng Madinah ay nangatakot at sa gayong pagkakataon, siya ay nagtungo sa dakong pinagmumulan ng alingawngaw na kanilang narinig sa oras ng gabi. Siya ay nakasakay sa isang kabayo na pag-aari ni Abu Talhah, na wala namang anumang upuan, at siya ay may dalang espada. Ilang sandali lamang, siya ay nagbalik mula sa pinagmulan ng alingawngaw at humarap sa mga tao. Binigyan niya ng katiyakan na wala silang dapat ikatakot at nagsabing: 'Huwag kayong matakot! Huwag kayong matakot!’
Ang gayong mga pangyayari ay nagpapatunay na siya ay maaasahan sa anumang oras ng panganib at hindi niya hinintay ang sinuman upang suriin ang pinagmumulan ng suliranin tulad ng ginawa niya sa gayong pagkakataon. Sa Digmaan ng Uhud, ang Sugo ng Allah (s) ay sumangguni sa kanyang mga kasamahan. Sila ay nagbigay-payo sa kanya na makipaglaban sa kabila ng pagkakataon na wala naman siyang nakikitang dahilan upang makipaglaban. Subali't, tinanggap niya ang kanilang payo. Nang mabatid ng kanyang mga kasamahan ang kanyang damdamin, ito ay kanilang ikinalungkot. Ang mga Ansari ay nagsabi sa kanya,'O Propeta ng Allah! Gawin mo ang inaakala mong makabubuti.’ Nguni't, siya ay sumagot: ‘Hindi naaangkop sa isang Propeta na nagsuot ng damit para sa digmaan na ito ay kanyang alisin hanggang siya ay makipaglaban.' (Ahmed #14829)
-
Ang Kanyang Pagiging Mapagbigay at Maasikaso:
Si Ibn Ab'bas (d) ay nagsabi: 'Ang Propeta ang pinakamapagbigay sa mga tao. Siya ang pinakamapagbigay sa buwan ng Ramadhan nang kanyang makaharap ang Anghel Jibreel; gabi-gabi sa buwan ng Ramadhan upang sanayin at irepaso ang kapahayagan ng Qur'an. Ang Sugo ng Allah ay lubhang mapagbigay, na siya ay higit na mabilis kaysa sa pinakamabilis na ihip ng hangin hinggil dito (sa pagkakawanggawa). (Bukhari #6)
Si Abu Dharr (d) ay nagsabi: 'Ako ay naglalakad na kasama ang Propeta (s) sa Har'rah (sa dakong gawi ng bulkan) ng Madinah at kami ay nakaharap sa Bundok ng Uhud; ang Propeta (s) ay nagsabi: 'O Abu Dharr!' Ako ay sumagot: 'Narito ako O Sugo ng Allah!' Siya ay nagsabi: 'Hindi ko ikalulugod na magkaroon ng gintong katumbas ng bigat ng Bundok ng Uhud, hanggang hindi ko ito gugulin at ipamahagi (para sa Landas ng Allah) sa loob ng isang gabi o sa loob ng tatlong gabi. Maglalaan ako ng isang Dinar mula dito upang matulungan ko ang taong baon sa kanyang pagkakautang. (Bukhari #2312)
Si Jabir b. Abdullah (d) ay nagsabi: 'Ang Propeta ay hindi tumangging magbigay ng anupaman na mayroon siya, kung siya ay hingan ng isang tao para dito.' (Bukhari #5687)
-
Ang Pagiging Mahinhin at Mayumi:
Si Abu Sa'eed al-Khudri (d) ay nagsabi: 'Ang Propeta ay higit na mahinhin at mayumi kaysa sa isang birhen na nagkukubli sa silid ng mga kababaihan. Kung kinasusuklaman niya o hindi niya nais ang isang bagay, ito ay aming nababanaag sa anyo ng kanyang mukha.' (Bukhari #5751)
-
Ang Kababaang-loob:
Ang Sugo ng Allah (s) ay taong taglay ang kababaang-loob. Siya ay mapagkumbaba. Kung may dayuhang pumasok sa Masjid at lumapit sa kinauupuan ng Propeta (s), siya ay makikitang nakaupong kasama ng kanyang mga kasamahan, at siya ay hindi maaaring bigyan ng pagkakaiba mula sa kanyang mga kasamahan. Si Anas bin Malik (d) ay nagsabi:'Minsan, habang kami ay nakaupong kasama ng Sugo ng Allah sa loob ng Masjid, isang lalaking nakasakay sa kanyang kamelyo ang lumapit pagkaraang itali nito (ang kanyang kamelyo) ng isang lubid, siya ay nagtanong 'Sino sa inyo si Muhammad?' Ang Sugo ng Allah (s) ay nakaupo sa lapag habang siya ay nakasandal kapiling ng kanyang mga kasamahan. Itinuro namin sa Bedouin at nagsabing: 'Heto siya. Itong taong maputi na nakasandal sa lapag.' Ang Propeta (s) ay hindi makikilala o mabibigyan ng kaibahan mula sa kanyang mga kasamahan.
Ang Propeta (s) ay hindi tumatangging tumulong sa mga kapus-palad, sa mga dukha, sa mga balo sa kanilang pangangailangan. Si Anas b. Malik (d) ay nagsabi: 'Isang babae mula sa mamamayan ng Madinah na may bahagyang kapansanan sa isip ay nagsabi sa Propeta: 'Ako ay hihiling sa iyo tungkol sa isang bagay.' Kaya, tinulungan niya ito at inasikaso ang pangangailangan niya.' (Bukhari #670)
-
Ang Pagiging Mahabagin at Maawain:
Si Abu Masood al-Ansaria (d) ay nagsabi: 'Isang lalaki ang lumapit sa Propeta (s) at nagsabi: "O Sugo ng Allah ! Sa Ngalan ng Allah! Hindi ako nagdarasal ng Fajr sapagka't si ganito at ganoon ay hinahabaan ang pagdarasal." Siya ay nagsabi: 'Hindi ko kailanman nakitang nagalit ang Sugo ng Allah (s) sa pagbibigay ng sermon maliban sa gayong (galit na) kalagayan. Siya ay nagsabi: 'O mga mamamayan! Katotohanan mayroon sa inyo na itinataboy nang papalayo ang mga tao! Kung kayo ang namuno sa pagdarasal, gawing maikli ang pagdarasal. (alalahanin na) May matatanda at mahihinang tao at yaong mayroong ibang pangangailangan sa inyong likuran sa pagdarasal.' (Bukhari #670)
Si Osama bin Zaid (d) ay nagsabi:
‘Kami ay nakaupong kasama ng Sugo ng Allah . Ang isa sa kanyang anak na babae ay nagpadala ng isang tao na nagsasabing dalawin siya sapagka't ang kanyang anak na lalaki na nakaratay. Sinabihan ng Sugo ng Allah ang taong ito na sabihin sa kanya (sa anak na babae): 'Katotohanan, nasa Allah ang pagmamay-ari ng anumang Kanyang kinuha, at ipinagkaloob Niya ang lahat ng bagay na may takdang panahon. Sabihin mo sa kanya na maging matiisin at hanapin ang gantimpala ng Dakilang Allah. Ang kanyang anak na babae ay nagpadalang muli ng tao na nagsabing: 'O Propeta ng Allah! Ang iyong anak na babae ay nangako na ikaw ay nararapat pumunta.’ Ang Sugo ng Allah (s) ay tumayo, at siya ay sinamahan nina Sa'd bin Ubaadah at Mu’adth bin Jabal.
Ang Sugo ng Allah (s) ay umupo sa tabi ng bata habang siya ay naghihingalo. Ang mata ng bata ay nanlamig sa kanilang kinalalagyan tulad ng mga bato. Nang makita niya ito, ang Sugo ng Allah ay nanangis. Si Sa'd ay nagsabi sa kanya, ‘Ano ba ito 'O Propeta ng Allah?’ Siya ay nagsabi: ‘Ito ay isang awa na inilalagay sa puso ng Kanyang mga alipin. Katotohanan, ang Allah ay Mahabagin sa mga mahabagin sa iba.’ (Bukhari #6942) -
Ang Kanyang Pagtitiyaga at Pagiging Mapagpatawad:
Si Anas bin Malik (d) ay nagsabi:‘Minsan, ako ay naglalakad na kasama ng Sugo ng Allah habang siya ay nakasuot ng balabal na yari sa Yemen na ang kuwelyo ay may magaspang na mga gilid. Hinatak siya nang malakas ng isang bedouin. Tiningnan ko ang gilid ng kanyang leeg at nakita ko ang gilid ng balabal ay nag-iwan ng bakas sa kanyang leeg. Ang bedouin ay nagsabi, ‘O Muhammad! Bigyan mo ako [ng ilan] sa kayamanan ng Allah na mayroon ka.’ Ang Sugo ng Allah (s) ay lumingon sa Bedouin, tumawa at ipinag-utos na siya ay bigyan ng salapi.’ (Bukhari #2980)
Isa pang halimbawa ng kanyang pagtitiyaga ay ang kasaysayan ng isang Hudyong Rabbi, na ang ngalan ay Zaid bin Sa'nah. Si Zaid ay nagpautang sa Sugo ng Allah ng isang bagay. Sinabi ni Zaid:
‘Dalawa o tatlong araw bago ibalik ang utang, ang Sugo ng Allah ay nakipaglibing sa isang tao mula sa Ansar. Kasama niyang nakipaglibing sina Abu Bakr, Umar, Uthman and iba pang kasamahan. Pagkatapos magdasal ng Janazah (dasal sa patay) siya ay umupong malapit sa isang dingding, at ako ay lumapit patungo sa kanya, hinatak ko siya sa mga gilid ng kanyang balabal at tiningnan ko siya nang marahas at nagsabi: 'O Muhammad! Hindi mo ba ako babayaran ng iyong utang? Wala akong nakikila sa pamilya ni Abdul-Mutalib na nagpapaliban sa pagbabayad ng mga utang! Tinangnan ko si Umar b. al-Khat'taab, ang kanyang mga mata ay namamaga sa pangangalit! Tiningnan niya ako at nagsabi: 'O kaaway ng Allah, ikaw ba ay nagsasalita sa Sugo ng Allah at umaasal sa kanya ng gayong paraan?! Ako'y sumusumpa sa Isa na Siyang nagsugo sa kanya na may dalang katotohanan, kung hindi sa pangambang makaligtaan ko ito (ang Paraiso [Jannah]) baka ikaw ay pugutan ko ng ulo nitong aking espada!
Ang Propeta (s) ay nakatingin kay Umar nang mahinahon at payapang paraan, at siya ay nagsabi: 'O Umar, ikaw sana ay nagbigay ng tapat na payo sa amin kaysa sa anumang iyong ginawa! O Umar, ikaw ay humayo at bayaran siya ng kanyang pautang, at bigyan mo siya ng karagdagang dalawampung Sa'a (sukat ng timbang) sapagka't siya ay tinakot mo!'
Sinabi ni Zaid: “Umalis si 'Umar na kasama ko, at ako ay binayaran sa pautang, at binigyan ako ng karagdagang dalawampung Sa'a ng datiles. Tinanong ko siya : 'Ano ito?' Sinabi niya: 'Inutusan ako ng Sugo ng Allah na ibigay ko ito sa iyo, sapagka't ikaw ay aking tinakot.' Pagkaraan si Zaid ay nagtanong kay Umar: 'O Umar, kilala mo ba kung sino ako?' Si Umar ay sumagot: 'Hindi, hindi ko alam kung sino ka?' Si Zaid ay nagsabi: 'Ako si Zaid b. Sa'nah.' Sumagot si Umar : 'Ang Rabbi?' si Zaid ay sumagot: 'Oo, ang Rabbi.' Pagkatapos, si Umar ay nagtanong: 'Anong dahilan at bakit mo sinabi sa Propeta at iyong ginawa ito?'
Si Zaid ay sumagot: 'O Umar, nakita ko ang lahat ng palatandaan ng pagiging Propeta sa mukha ng Sugo ng Allah bukod pa sa dalawang (katangian) – ang kanyang pagtitiis at pagtitiyaga na nangingibabaw sa kanyang galit at ikalawa, habang ikaw ay nagiging marahas, higit naman siyang nagiging mabait sa iyo at nagiging higit na matiisin siya at ngayon ako ay nasisiyahan.
O Umar, ikaw ay aking saksi na ako ay nagpapahayag na walang ibang tunay na Diyos maliban sa Allah at ang aking Deen ay ang Islam at si Muhammad (s) ay aking Propeta. Ikaw ay ginagawa kong saksi na ang kalahati sa aking yaman ay aking ipagkakaloob sa Allah para sa buong pamayanan (Ummah) at ako ay isa sa mga mayayaman sa Madinah.' Sinabi ni Umar: 'Hindi mo magagawang ipamahagi ang iyong kayamanan sa buong pamayanan kaya sabihin mo, 'aking ipamamahagi ito sa ilang mamamayan ng Ummah (pamayanan) ni Muhammad (s).'
Si Zaid ay nagsabi: 'Kung gayon, aking ipamimigay ang (bahagi) na aking kayamanan sa ibang mamamayan ng Ummah (pamayanan).' Sina Zaid at Umar ay nagsibalik sa Sugo ng Allah . Si Zaid ay nagsabi sa kanya: 'Ako ay sumasaksi na walang tunay na diyos an dapat sambahin maliban sa Allah lamang, at si Muhammad (s) ay Kanyang alipin at Kanyang Sugo.' Siya (si Zaid) ay naniwala sa kanya at nasaksihan niya ang maraming digmaan at siya ay namatay sa Digmaan ng Tabuk, nawa'y kaawaan siya ng Allah.' (Ibn Hibban #288)Ang isang dakilang halimbawa ng kanyang pagiging mapagpatawad at lubhang pagtitiyaga ay sadyang malinaw nang kanyang patawarin ang mga mamamayan ng Makkah pagkaraang ito ay sakupin. Nang tipunin ng Sugo ng Allah ang mga tao na nang-alipusta, nanakit at nang-abuso sa kanya at sa kanyang mga kasamahan, at nagtaboy sa kanila mula sa bayan ng Makkah, siya ay nagsabi: 'Ano bang inaakala ninyo ang gagawin ko sa inyo?' Sila ay sumagot: 'Ikaw ay mabait, mapagbigay na kapatid at pamangkin!' Sinabi niya: 'Humayo kayo at kayo ay malaya na!' (Baihaqi #18055)
-
Ang Kanyang Pagtitiis sa Gitna ng Dalamhati at Siphayo:
Ang Sugo ng Allah (s) ay larawan ng pagtitiis. Siya ay matiisin sa kanyang mga mamamayan bago ang panawagan niya sa kanila sa Islam sapagka't sila ay sumasamba sa mga iniidolo at mga estatwa at gumagawa ng mga makasalanang gawain. Siya ay matiisin at mapagpaumanhin sa lahat ng abuso at pananakit na ginawa ng mga pagano ng Makkah sa kanya at maging sa kanyang mga kasamahan at siya ay laging umaasa sa pagpapala at kabutihang-loob ng Allah.
Siya ay matiisin din at mapagpaumanhin sa mga pang-aabuso at pang-aaping ginawa ng mga mapagkunwari taga-Madinah. Siya ay larawan ng pagtitiis nang yumao ang kanyang mga mahal sa buhay; ang kanyang asawang si Khadeejah ay namatay sa kanyang panahon. Lahat ng kanyang anak ay namatay sa kanyang panahon maliban kay Fatimah. Ang kanyang amain na si Abu Talib at maging si Hamzah, ay yumao din. Ang Propeta (s) ay naging matiisin at laging umaasam ng pagpapala ng Allah.
Si Anas b. Malik (d) ay nagsabi: 'Kami ay pumasok na kasama ang Propeta sa bahay ni Abu Saif – ang latero. Ang asawa ni Abu Saif' ay tagapag-alaga ng kanyang anak na lalaki, si Ibraheem. Kinarga ng Sugo ngAllah ang kanyang anak na si Ibraheem, at inamoy at hinalikan ito. Umalis ng sandali at pagkatapos ay muling nagbalik at tiningnan ang kanyang anak, ito ay naghihingalo. Ang Propeta ay nagsimulang umiyak.
Si Abdurrahmaan b. Auf, ay nagsabi: 'O Propeta ng Allah, ikaw ba ay umiiyak din!' Ang Sugo ng Allah ay sumagot: 'O Ibn Auf, ito ay awa' – at ang Propeta ay muling lumuha nang higit pa at nagsabi: 'Ang mata ay lumuluha, ang puso ay nalulumbay, at tayo ay nagsasabi lamang kung ano ang ikasisiya ng ating Rabb (Panginoon), at kami ay nalulungkot sa kamatayan mo, O Ibraheem!' (Bukhari #1241) -
Ang Pagiging Makatarungan at Pagiging Makatuwiran:
Ang Sugo ng Allah (s) ay makatarungan at makatuwiran sa bawa't aspeto ng kanyang buhay, at sa pagsasakatuparan ng Batas ng Islam (Shari'ah Jurisprudential Law). Si A'ishah (nawa'y kalugdan siya ng Allah), ang Ina ng mga Mananampalataya ay nagsabi: ‘Ang mamamayan ng Quraish ay labis na nag-aalala tungkol sa isang babaing Makhzoomi (nagmula sa Tribu ng Bani Makhzoom) na nagkasala ng pagnanakaw.
Sila ay nag-usap-usap sa isa't isa at nagsabi, "Sino ba ang maaaring mamagitan para sa kanya sa Sugo ng Allah ?’ Nang malaunan, napagkasunduan nila at nagsabing: 'Sino ba ang may lakas ng loob na makipag-usap sa Sugo ng Allah sa bagay na ito maliban kay Usamah b. Zaid, ang pinakamamahal na tao ng Sugo ng Allah .' Kaya si Usamah ay nakipag-usap sa Sugo ng Allah tungkol sa babae. Ang Sugo ng Allah (s) ay nagsabi:
'O Usamah! Ikaw ba ay namamagitan (para sa kanya) upang ipagwalang bahala ang pagkastigo at kaparusahan ng Allah!’ Ang Sugo ng Allah (s) ay tumayo at nagbigay ng pananalita na nagsasabing: 'Ang mga mamamayang nauna sa inyong panahon ay nangawasak sapagka't kapag ang isang maimpluwensiya (kilalang) kabilang (sa mataas na lipunan) sa kanila ay nagnakaw, nguni't ito ay hinayaan nilang makalaya; at kung ang isang dukha at mahina ay nagnakaw, kanilang pinarurusahan ito. Sa Ngalan ng Allah! Kung si Fatimah, ang anak na babae ni Muhammad ay nagnakaw, puputulin ko ang kanyang mga kamay.(Bukhari #3288)Ang Sugo ng Allah (s) ay makatarungan at walang pagkiling sa batas at hinahayang maghiganti ang iba para sa kanilang sarili kung sila ay inaabuso o sinasaktan ng sinuman. Si Usaid b. Hudhair ay nagsabi: 'Isang tao mula sa Ansar, ay nagbibiro sa mga tao at kanyang pinatatawa ang mga ito, at ang Propeta (s) ay napadaan sa kanya, at hinampas siya nang bahagya sa kanyang tagiliran sa pamamagitan ng sanga ng punongkahoy na kanyang dala-dala. Ang lalaki ay nagsalita: 'O Propeta ng Allah! Tulutan mo akong gantihan ka para sa aking sarili!'
Ang Propeta (s) ay nagsabi: 'Humayo ka!' Ang lalaki ay nagsabi: 'O Sugo ng Allah, ikaw ay nakasuot ng damit, samantalang ako ay wala, nang ako ay iyong hampasin!' Itinaas ng Sugo ng Allah ang kanyang pang-itaas na damit, at hinalikan naman ng Ansari ang kanyang katawan at nagsabing: 'Ito lamang ang nais kong ipakahulugang gawin, O Sugo ng Allah!' (Abu Dawood #5224) -
Ang Pagiging May Takot sa Allah, at Pagiging Maingat sa Kanya:
Ang Sugo ng Allah (s) ang pinakamaingat na tao sa Allah (). Si Abdullah bin Masoud (d) ay nagsabi: ‘[Minsan] ang Sugo ng Allah (s) ay nagsabi sa akin: ‘Basahin (bigkasin) mo sa akin mula sa Qur'an!' Si Abdullah b. Masood, ay nagsabi: 'Babasahin ko ba sa iyo, samantalang ito ay ipinahayag sa iyo!' Ang Propeta ay sumagot: 'Oo.' Siya ay nagsabi: 'Sinimulan kong bigkasin ang Surat an-Nisaa, hanggang dumating ako sa Ayat (talata) na: ‘Paano nga ba, kung gayon, kung ikaw ay Aming kinuha bilang saksi mula sa bawa't pamayanan at ikaw ay Aming dinala bilang saksi laban sa mga mamamayang ito!’ (Qur'an 4:41)
Nang marinig niya ang ayat (talata) na ito, ang Sugo ng Allah (s) ay nagsabi: '(Tama na, iyan ay sapat na)!' Si Abdullah b. Masood ay nagsabi, Ako ay napalingon at nakita ko ang Sugo ng Allah (s) na lumuluha.' (Bukhari #4763)
Si A'ishah (nawa'y kalugdan siya ng Allah), ang Ina ng mga mananampalataya ay nagsabi: ‘Kapag ang Sugo ng Allah (s) ay nakakikita ng mga maiitim na ulap sa langit, siya ay lalakad ng pasulong at paurong at siya ay lalabas sa kanyang bahay at muling papasok. Kapag bumuhos na ang ulan, ang Propeta (s) ay mamamahingang (panatag ang kalooban). Si A'ishah (nawa'y kalugdan siya ng Allah) ay nagtanong sa kanya tungkol dito at siya ay nagsabi: 'Hindi ko alam, maaaring ang ibang tao ay nagsabi: "Kaya, nang kanilang matanaw ang isang ulap na humayong patungo sa kanilang lupain, sila ay nagsabi :”Ito ay isang ulap na maghahatid sa atin ng ulan. “Nguni’t, hindi, ito ay (parusa na) inyong hinihiling na dagliang maganap - ang isang hanging may hatid na mahapding parusa!" (Qur'an 46:24)
-
Ang Kasiyahan at Yaman ng Puso:
Si Umar b. al-Khattab (d) ay nagsabi: 'Ako ay pumasok sa bahay ng Sugo at siya ay nakita kong nakaupo sa banig. Siya ay may unan na yari sa balat (ng hayop) na ang loob nito ay nilamnan ng tuyong uhay (ng palmera). Sa kanyang paanan ay narooon ang isang banga ng tubig, at may mga damit na nakasabit sa dingding. Ang tagiliran ng kanyang katawan ay may marka sanhi ng banig na kanyang hinihigaan. Si Umar ay umiyak nang makita niya ito, at ang Sugo ay nagtanong sa kanya: 'Bakit ka umiiyak?' Si Umar ay nagsabi: 'O Propeta ng Allah! Si Khosrau (Emperador ng Persya) at Heraclius (Emperador ng Romano) ay nagtatamasa ng kaligayahan sa mundong ito, samantalang ikaw ay nagdaranas ng kahirapan?!' Siya ay nagsabi: 'Hindi ka ba nasisiyahan na sila ay nagtatamasa ng kaligayahan sa mundong ito at tayo naman ay magtatamasa ng kaligayahan sa Kabilang Buhay?' (Bukhari #4629)
-
Nagnanais para sa Kabutihan Maging sa Kanyang mga Kaaway:
Si A'ishah (nawa'y kalugdan siya ng Allah), ang Ina ng mga mananampalataya ay nagsabi: ‘Tinanong ko ang Sugo ng Allah (s): "Ikaw ba ay nakaranas ng isang mabigat na araw at higit na masidhi kaysa sa Digmaan ng Uhud?” Siya ay sumagot: 'Ako ay lubos na nahirapan mula sa inyong mga mamamayan!
Ang pinakamatindi na aking naranasan ay noong Araw ng Al-‘Aqabah nang kinausap ko si Ali b. Abd Yaleel b. Abd Kilaal (upang ako ay kanyang tangkilikin) nguni't ako ay hindi niya pinaunlakan at ako ay kanyang iniwan. Umalis ako sa pook na iyon habang ako ay nangangamba at ako ay lumakad hanggang makarating ako sa pook na tinatawag na Qarn ath-Tha'alib, aking iniangat ang aking ulo sa dakong kalangitan at napansin ko ang isang ulap na nililiman ako. Tinawag ako ng Anghel Jibreel at kanyang sinabi: 'O Muhammad! Narinig ng Dakilang Allah ang anumang sinabi sa iyo ng iyong mga mamamayan at siya ay nagpadala ng Anghel na namamahala sa mga bundok kaya, maaari mo siyang pag-utusan ng anumang iyong nais.'
Ang Propeta (s) ay nagsabi: 'Ang Anghel na tagapamahala ng mga bundok ay tumawag sa akin na nagsasabing: 'Nawa'y pagpalain ka ng Allah at iligtas ka sa bawa't masamang bagay! O Muhammad, gagawin ko ang anumang iyong ipag-uutos. Kung nais mo magagawa kong Akhshabain o pagsamahin ang dalawang bundok at pasabuging lahat.' Ang Sugo ng Allah (s) ay nagsabi: '(Huwag) Maaaring ang Allah ay magbigay sa kanila ng lahi na sasamba sa Kanya lamang at sila ay hindi mag-aakibat ng anupaman sa Kanya (sa pagsamba).’ (Bukhari #3059)Si Abdullah b. Umar (d) ay nagsabi: 'Nang si Abdullah b. Ubai b. Salool ay namatay, ang kanyang anak na lalaki na si Abdullah b. Abdullah ay lumapit sa Propeta at humingi sa kanya para sa kanyang damit upang kanilang balutin ang kanilang ama nito. Hiniling niya sa Propeta na ipagdasal ng Janazah (funeral prayer) ang kanyang ama, at siya ay tumayo upang gawin ito, nguni't hinatak ni Umar ang panlabas na bahagi ng damit ng Propeta at kanyang sinabi: 'O Sugo ng Allah! Ipagdarasal mo ba siya, at ipinagbawal ng Allah sa iyo na gawin ito! Ang Sugo ng Allah (s) ay nagsabi: 'Binigyan ako ng Allah ng pagpipilian sapagka't sinabi Niya :"Humingi ng kapatawaran para sa kanila o huwag humingi ng kapatawaran para sa kanila; kahit ikaw ay humingi pa ng kapatawaran nang pitumpong ulit, sila ay hindi patatawarin ng Allah; ito ay sapagka't sila ay hindi naniwala sa Allah at sa Kanyang Sugo, at hindi pinapatnubayan ng Allah ang mga taong palasuway." [Qur'an 9:80]
At ako ay hihingi ng kapatawaran para sa kanya nang higit sa pitumpung ulit.' Si Umar (d) ay nagsabi:'Siya ay mapagkunwari!' Ang Propeta, ay nagsagawa ng pagdarasal, at sa gayong pagkakataon, ang Allah ay nagpahayag sa kanya: "At huwag kailanman magsagawa ng pagdarasal sa sinuman sa kanila na namatay at huwag kang tumayo sa kanilang libingan; katiyakan sila ay walang paniniwala sa Allah at sa Kanyang Sugo, at sila ay mamamatay sa paglabag." [Qur'an9:84] (Bukhari #2400)